PLANO mo bang magpalagay ng tattoo?
Stop that thought muna kung plano mo mag pulis.
Bawal na ang may tattoo sa ating mga alagad ng batas.
Batay sa inilabas na Memorandum Circular 2024-023, bibigyan ng tatlong buwan ang mga pulis para burahin ang mga tattoo na kitang-kita o exposed lalo na kung naka-uniporme sila. Kasama rito ang mga tattoo na nakalagay sa leeg, braso, at mukha.
Ang tanging exemption lang ay ang mga tattoo na aesthetic ang dating gaya ng kilay at sa labi.
Pabor ba kayo mga ka-Publiko, na ipagbawal ang tattoo sa mga nais mag-pulis o ipabura ang mga tattoo ng mga nasa serbisyo na?
Personally, ayaw ko ng tattoo. Wala pa sa aking pamilya ang may tattoo. Nasabi ko na wala pa dahil nag-iisip ang aking mga anak na magpalagay ng tattoo ngunit hindi pa sila lubos na benta sa ideya.
Personal ang dahilan ko kaya ayaw ko magpa-tattoo.
Personal din ang dahilan kaya may mga nagpapa-tattoo.
Kaya, tama ba ang desisyon ng liderato ng Philippine National Police (PNP) na ipagbawal ang
tattoo sa kanilang hanay?
Paano kung qualified ang isang aplikante na may tattoo? Paano kung yung walang tattoo ay wala namang kakayanan, hindi qualified?
Iba kasi ang konotasyon noon pag ang isang tao ay may tattoo sa katawan: malamang ay galingito sa kulungan. At isa sa naging libangan ay magpalagay ng tattoo sa katawan. Sa iba’t ibang parte ng katawan. Nariyang naka-tattoo ang pangalan o mukha ng kanyang asawa o kasintahan, mukha ni Hesu Kristo, pangalan ng grupo na kaniyang kinabibilangan sa loob ng piitan, at kung anu-ano pa.
Pero iba na ngayon.
Ang pagpapa-tattoo ay simbolo na ng isang personal expression at imbes na ipintura ang isang larawan sa canvass, ay sa katawan ito ipinapipinta.
Tanggap na ng ating sosyedad na normal na ang may tattoo.
Maliban na lang kung nakaka-offend o nakatatakot ang mga tattoo na exposed kung nakasuot ng uniporme, ibang usapan na yan.
Kung isang magandang rosas o anumang simbolo ng nature ang naka-tatttoo at hindi naman
malaki, baka pwede na itong pagbigyan ng PNP?
Mahal ang magpa-tattoo, pero mas mahal ang magpabura nito dahil laser ang gagamitin.
Napag-aralan kaya ito ng liderato ng PNP bago ilabas ang memo?
Ayon sa PNP, hindi raw ito pagkitil sa freedom to express ngunit ito ay alinsunod sa organizational regulations at professional image.
Kung ayaw ipatanggal ang tattoo, pwede naman daw umalis sa pagka-pulis.
Tama bang rason ito?
Ang dapat na unahin ng PNP leadership ay paano mapapabuti ang kanilang serbisyo sa bayan.
Maraming takot sa mga pulis hindi dahil sa tattoo, kundi sa negatibong imahe nila dahil na rin sa mga nakaraang mga pangyayari gaya ng tokhang.