KINAKATAKUTAN ang paparating na taggutom subalit sa totoo lang, andito na siya. Lumapag na sa blangkong lamesa ng mayoryang mamamayan na araw-araw nakikihamok kung paano lalamaman ang hapag-kainan.
Literal na nakadilat ang kagutuman sa mukha ng batang paslit sa daan na nanghihingi ng tirang pagkain sa kabahayan, sa nanay na araw-araw pinagkakasya ang kakarampot na badyet, sa tatay na sinusuong ang ulan para kumita ng wala pa sa minimum, sa lahat ng manggagawa, empleyado, obrero na madalas tulala sa MRT o pila ng bus dahil di kayang ipambuhay ng disente ang suweldo kada buwan.
Kakapusan sa pagkain ang pangunahing problema sa ngayon. Bunsod ito ng mahal na presyo ng bilihin. Hindi na kinakaya ng ordinaryong mamamayan ang presyuhan maging sa batayang mga pagkain. Ang dating limang pisong itlog, halimbawa, ngayon ay siyam na piso na. Kahit maghigpit ng sinturon, marami na talaga ang lumiliban sa regular na tatlong beses na kainan kada araw. Alam ko ito dahil madalas akong nakikihuntahan sa mga nanay kapag namimili ng pang isang linggong ulam.
Bakit tayo umabot sa ganito?
Isa sa matingkad na salik kung bakit dumating tayo sa ganitong senaryo sa ngayon ay ang pagiging import-dependent ng bansa. Hindi angkop ang ipinapatupad na import-heavy model ng ating mga economic managers upang kamtin ang kasapatan sa pagkain (food sufficiency).
Matatandaang taliwas ang import-heavy model sa idineklarang polisiya ni dating Kalihim ng Agrikultura William Dar na papayagan lamang niya umano ang importasyon kapag may kakulangan o depisito sa pagkukunan ng supply sa lokal.
Isa rin sa deklarasyon ng naturang kalihim noon na tututukan niya ang kapakanan at kagalingan ng mga magsasaka at mangingisda kung kaya ang pag-aangkat ng dagdag na food commodities mula sa dayuhang mga bansa ay nananatiling isang “last resort” policy. Ang deklarasyon na ito ni Dar ay makikita sa isyu Oktubre 2020 ng website ng Department of Agriculture na may pamagat na ‘Increasing Local Food Production Is Our Priority, Importation Is A Last Resort”-DA Chief.
Kung ganun, bakit ang naturang deklarasyon against importation ay hindi naging realidad? Lip service as usual?
At ngayon, dalawang buwan matapos maihalal si Pangulong Ferdinand Marcos Jr, magpapatuloy ba ang import trajectory ng Pinas? Wala pa kasing malinaw na implementing rules kung paano ipapatupad ang mga iniintrodyus na polisiya at nananatili pa rin umano sa kagawaran ang ilang teknokrat na pabor sa malawakang importasyon.
Sa isang ulat, sinabi ni United Broiler Raisers Association (UBRA) President Elias Jose M. Inciong na ang Singapore ang modelo ng Pilipinas sa pag-unlad kaya sinundan ang yapak nito sa importasyon.
“Our economic managers and the Department of Agriculture (DA) believe that the template for us is Singapore, which is 90% dependent on food imports and yet is food-secure.”
Ang masaklap, hindi gumagana ang naturang template o economic model sa Pilipinas, dahil sa pagiging miyembro nito sa World Trade Organization (WTO) kung saan ang polisiya ay nakakiling sa liberalisasyon ng kalakal. Inakala ng mga economic managers ng bansa na importasyon ang solusyon sa kakulangan ng pagkain, subalit naging sagka lamang ito para matiwasay na makapagprodyus ang lokal na magsasaka. Hindi leveled ang playing field para sa ating mga local producers para makipagsabayan sila sa dayuhang mga bansa sa produksiyon.
Imbes kasi na palakasin ang lokal na produksiyon, naging malawakan ang pagpapabaya sa ating mga magsasaka at mangingisda na nawalan ng gana dahil sa mismong existing local policies ang sumira sa kapasidad nilang mag prodyus ng pagkain.
Paborable ang import policies para sa dayuhang mangangalakal. Ang mga pribadong traders, hindi local producers- ang nakikinabang.
Dahil tuluyan na tayong isang bansang import-dependent, mas malaki ang inaangkat (import) nating mga produkto kesa mga ipinagbibili (export). Bukod sa negatibo ang epekto nito sa foreign dollar reserves ng bansa, nagiging ugat ito ng implasyon o malawakang pagbaba ng halaga ng piso at kaakibat na pagtaas na presyo ng bilihin.
Hindi na lang bigas kundi feeds at abono ang inaangkat ng Pilipinas, bukod pa sa trigo, arina, asukal at marami pang imported na produkto gaya ng ibat ibang uri ng karne. Sa katunayan, nananawagan na rin ang sector ng animal feed industry sa gobyerno na balansehin ang importasyon ng farm products at mas maiging suportahan ng gobyerno ang local manufacturing ng farm inputs.
Sinabi ng isang ispesyalista sa feeds na dapat suportahan ng pamahalaan ang pagmamanupaktura ng pataba mula sa mga basurang materyales kesa mag-angkat ng napakamamahal na pataba. “Public funds should be spent on domestic development and not on supporting imports. The best way is to turn agri waste or food processing waste to fertilizer.”
Naging dahilan din ng pagtaas ng presyo ng pagkain ang mataas na gastusin sa produksiyon, gaya ng pagbili ng pataba.
Paano lalabanan ang kakapusan? Umpisahan sa matinong polisiya ng pamahalaan na kikiling sa kapakanan ng lokal na magsasaka at hindi ng dayuhang traders. Sa laki ng badyet na nakalaan para sa DA, magagawa ito kung may rebolusyonaryong transition sa naturang ahensiya.
Ang mga pahayag ng Presidente noong kampanya na walang Filipinong dapat magutom dahil magkakaroon ng sapat na pagkain ay dapat magkahugis sa lalong madaling panahon.
Kongketong aksiyon–hindi basta pangako- ang hinihintay ng taumbayan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]