‘SINGBILIS ng kidlat ang impeachment process sa Kongreso.
Actually hindi nga masasabing proseso ang nakakagulantang na announcement ng impeachment ni VP Sara Duterte.
Kasi kung susundin ang regular procedure, ito ang mga dadaanan ng reklamo laban sa VP:
Kung iiendorso ang verified complaint for impeachment ng mas mababa sa 1/3 miyembro ng Kongreso, ito ay isasama sa tinatawag na Order of Business sa loob ng 10 session days. Pagkatapos, ito ay isasangguni sa tukoy na komite sa loob ng tatlong session days.
Ang naturang Komite, matapos itong dinggin, at sa pamamagitan ng mayoryang boto ng lahat ng miyembro nito, ay magsusumite ng ulat tungkol dito sa loob ng 60 session days mula nang ito ay ipasa, kalakip ang resolusyon na ikakalendaryo ng Kongreso sa loob ng 10 session days mula sa araw na tinanggap ito.
Ang boto na 1/3 ng kabuuang bilang ng mga miyembro ay kinakailangan upang mapagtibay ang Articles of Impeachment. Bawat boto ng Kongresista ay naka-rekord. Kasunod dapat ay magsimula na ang pagdinig naman sa Senado.
Anong nangyari sa utos ng Konstitusyon (Article XI Section 3(4) na “in case the verified complaint or resolution of impeachment is filed by at least one-third of all the Members of the House, the same shall constitute the Articles of Impeachment, and trial by the Senate shall forthwith proceed? Kamakailan, higit sa 1/3 ang bumoto pabor sa impeachment.
Napakalinaw ng nasasaad sa batas: SHALL FORTHWITH PROCEED. Straighforward at hindi nangangailangan ng ibang interpretasyon. Mandatory at hindi directory ang ibig sabihin ng salitang “SHALL”.
Hindi ito dapat maging discretion ng Senado. Hindi kung kailan nila gustong upuan ang isyu. Hindi ordinaryong isyu ang impeachment. Pambansang seguridad at public interest ang nakasalalay dito.
Anong nangyari at biglang lumabas ang iba’t ibang argumento at idineklarang sa Hunyo pa gagawin ang pandinig sa impeachment sa Senado? Kesyo naka-break daw o naka-adjourned ang Senado. Ang tanong: hindi ba distinct and separate from legislative duties ang impeachment trial?
Nakakatakot na mismong si Senate President Chiz Escudero ang nagsabi na hindi mapipilit ang mga senador na umupo upang dinggin ang kaso kapag sila ay naka-break sa session. At dahil diyan, dalawa hanggang apat a buwan ang patlang bago malaman ng publiko ang hatol sa napakahalagang isyu na kinakaharap ng bansa sa ngayon.
Laro Sa Ngalan Ng Boto
Bakit nag defer ng pandinig hanggang Hunyo?
Anuman ang dahilan ng pagbibimbin sa pandinig, hindi istupido ang taumbayan sa maaaring dahilan ng mga senador.
Nasa kalagitnaan ng midterm election ang bansa. Hindi ilalagay sa peligro ng mga senador ang kanilang boto. Timing is the key para sa kanila.
Kung earlier kasi na gagawin ang impeachment, malamang maraming malalaglag sa mga incumbent na senators.
Aminin natin, nananatiling malakas ang hatak ni Sara sa mga supporters nito. Huwag ng pagtalunan ang isyu ng pagsuporta sa isang namumuno na may kuwestiyonableng record ng katiwalian. Hindi kailanman maaaring ikuwestiyon ang damdamin, biases o choices ng mga taong may personal na dahilan kung bakit pinipili nila ang sa tingin natin ay hindi karapat-dapat piliin.
May ibat ibang laro ang mga senador. Kagaya na lamang ni ate manang.
Si ate na dapat unang-unang susuporta sa kapatid na presidente ay panay ang banggit sa mga utang na loob sa mga Duterte.
Ayaw rin niyang magtampo ang mga supporters ng kalaban ng kapatid. Iniisip marahil niya na malaking bilang ang mawawala sa boto para sa kanya kung papairalin niya ang “blood is thicker than water” mantra.
Sa ngalan ng boto, pilit siyang “gumigitna”. Sabi pa niya, maliwanag na may demokrasya at independent silang pamilya sa mga desisyon nila. Okay, fine.
Basta ang malinaw, hindi lahat ng botante ay istupido. Stop playing the obvious.
Totoong nakakasuklam ang mga alegasyon sa Bise-Presidente. Kung pagbabatayan ang facts and figures na inilabas sa mga nagdaang imbestigasyon sa Kongreso, walang Pinoy na nasa matinong kaisipan ang hindi mapapaigtad sa kanyang kinauupuan kapag naririnig ang karumal-dumal na akusasyon ng kurapsyon. Habang puro latay ang mamamayan sa taas ng presyo ng bilihin, ang kaban ng bayan naman ay walang awang ginagahasa ng mga mambabatas na kung tutuusin ay una sanang nagtatanggol sa mamamayan at kaban ng bayan.
Ngunit higit sa pag-aalis sa puwesto sa isang tiwaling opisyal, ang tunay na susi upang mapanagot ang mga mandarambong, (mga akusadong tiwali, mga hindi naakusahan ngunit tiwali rin) ay wakasan ang patronage politics ng mga partido, ang dinastiya, ang kampihan na sistema.
Hindi kailanman magkakaroon ng maayos at matapat na pamahalaan hangga’t nandiyan ang dinastiya. Sa particular, ang dinastiyang Marcos at ang dinastiyang Duterte at marami pang trapos na nagpapatuloy sa larangan ng pulitika.
At sa huli, taumbayan ang naiipit. Taumbayan ang biktima.