Maiinit na inisyu sa mainit na panahon; lalong nakakainit ng ulo

MAINIT ang mga isyu ngayon, kasing-init ng panahon.

Ano nga ba ang ginagawa ninyo upang mapawi ang nararamdamang init ng panahon?

Dapat ay may nakahanda na kayong malamig na inumin at laging nasa tabi ninyo. 

Nakakapawi rin ng kaunting init ang basang bimbo na nakalagay sa may leeg.

Naisip ko tuloy na baka na-water canon ang ating pwersang pandagat ay dahil naisip ng mga Tsino na naiinitan ang mga Pilipinong sundalo. 

Pero syempre, hindi ito nakakatawa. 

Muli kasing binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard (CCG) ang ating Philippine Coast Guard na magsasagawa ng humanitarian mission sa Bajo de Masinloc o kilala rin bilang Scarborough Shoal.

Sa lakas ng water canon ng CCG, nasira ang railings at canopy ng BRP Bagacay, pati LED character display nito ay na-damage din.

Napabalita rin ang pagtakbo ng isang dating action star sa susunod na eleksyon bilang senador. Ang pinagmamalaki niyang credential niya ay miyembro siya ng partido ng dating pangulo. Walang experience kahit man sa local position, kahit na barangay level. Ang lakas din ng loob niya.  

Nariyan ding itinatanggi ni Sen. Raffy Tulfo na tatakbo siya sa presidential run sa 2028, at nakiusap pa na huwag na raw isama ang pangalan niya sa mga presidential survey.

Pero narinig na natin ito noong 2016 at 2022 sa mag-amang Duterte.

Nakalulungkot din na simula Mayo 1, 2024, ituturing na colorum ang mga jeepney na papasada na hindi kabilang sa kooperatiba at hindi rin kasama sa konsolidasyon. Bukod sa kanselasyon ng lisensiya ng mga driver ay may multa pa silang babayaran na nagkakahalaga ng P50,000. Mai-impound din ang kanilang jeepney.

Nagsasagutan na rin ang mga supporter ng dating pangulo na tinawag na mga Duterte Diehard Supporter o DDS at mga supporter ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Junior. Matindi ang batuhan nila ng kani-kanilang opinyon.

Maraming nasabi kasi si First Lady Lisa Araneta Marcos laban kay Vice President Sara Duterte na nag-trigger ng sagutan sa pagitan ng supporters ng dalawang kampo. 

Kung nasusubaybayan niyo ang kanilang huntahan, maluluma ang showbiz tsismis. 

Marami pang mga pangyayari ang dapat nating pag-usapan, ngunit baka lalo lang uminit ulo niyo dahil sa kulang na aksiyon ng ating gobyerno. 

Kailangang mag step-up pa ang Marcos administration.

Maraming ganap, pero mahal pa rin ang bigas.