MALAKING bahagi ng populasyon sa Pilipinas ang kulang sa nutrisyon.
Nakababahala ito dahil mahalaga na ang bawat Pilipino, lalo na ang mga bata, ay may sapat na nutrisyon sa katawan dahil kapag malusog ang pangangatawan ng isang tao ay makatutulong ito sa maayos na pamumuhay.
Batay sa isinagawang analysis ng Food and Agricultural Organization (FAO), sadyang mahal ang maging malusog.
Ito ay dahil malaki ang mababawas sa budget kung susundin ng bawat pamilyang Pilipino ang “balanced, nutritious diet.”
Hindi naman lahat ng pamilyang Pilipino ay kayang bumili ng masusustansiyang pagkain.
Alam naman nating lahat na maraming pamilyang Pilipino ang hirap na pagkasyahin ang sinasahod lalo pa maliit lang ang kinikita.
Sinabi ng FAO sa kanilang report na “The State of Food Security and Nutrition in the World,” na “healthy diets are expensive and beyond the reach of millions of people.”
Paano ka nga ba naman magiging healthy kung patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na ng mga gulay at prutas. Kahit na mga prutas na “in season” ay mahal din.
Kaya sa mga ordinaryong Pinoy, madalas instant noodles at de lata ang pinamimili ng ating mga kababayan na salat sa pera. Hindi araw-araw ay nakakakain ng gulay at prutas ang isang pamilya na ang kinikita ng padre de pamilya o madre de pamilya ay nasa minimum lamang.
Batay sa saliksik ng Our World in Data, may 59 milyong Pilipino ang “food insecure,” 18 milyong Pilipino ang “severely food insecure,” at 15.4 milyong Pilipino ang “considered undernourish.”
Ano ba ang food insecurity? Ang simpleng ibig sabihin lang nito ay pagiging gutom.
Alam naman natin na ang pagiging laging gutom ay sanhi ng malnutrisyon. At hindi yan napupunan kung instant noodles at de lata ang laging laman ng tyan.
Maraming mabibiling prutas at gulay sa palengke o sa mga grocery at supermarket. Ngunit sasabihin ng ating mga kababayan na ang problema nila ay ang pambili.
Malaking halaga ng sinasahod ang napupunta sa pambayad ng bahay, kuryente, at tubig. Kung ano ang matitira ay siya ang ginagamit pambili ng mga kailangan sa bahay. Nasasakripisyo ang kalusugan.
Sa bawat pagdaan ng araw, patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin, ngunit mabagal ang proseso ng pagtaas ng sahod ng manggagawa.
Paano mapupunan ang kakulangan sa nutrisyon kung laging may kulang? Babalik tayo sa problemang kulang sa pambili.
Ang mga kabataan ang labis na apektado sa kakulangan sa nutrisyon. Sila ang kailangang mabigyan ng tamang pagkain para maging aktibo ang kanilang pangangatawan, higit sa lahat ang kanilang pag-iisip.