NAGSANGA-SANGA na ang mga impormasyon hinggil sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Sa isinasagawang pandinig ng Senado at Kamara kaugnay ng POGO, mapapansin na tila may pagka-supladita ang dalawang main character na sina Guo Hua Ping alias Alice Guo at si Cassandra Li Ong.
Unti-unting lumalabas kung gaano kahaba ang galamay ng dalawang ito at paano rin sila kumilos pailalim para lang matakasan ang isinasagawang pandinig.
Nitong mga nakaraang pandinig sa Senado at Kamara, nabunyag na may mga kasabwat sila na mga kwestiyonableng personalidad sa pag-operate ng POGO. Ayon sa lumabas sa pandinig, may mga criminal records ang umanoy kasabwat nila.
Kaya ba sinabi ni Guo Hua Ping na natatakot siya dahil may nagbabanta sa kanya?
Naisip ba niya ang magiging consequencies bago niya pinasok ang mundo ng ilegal?
Dito rin natin makikita kung gaano ka-corrupt ang ating sistema at tila marami ang nasisilaw sa malaking halaga ng pera.
Hindi naman maikakaila na may mga tao sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na korap. Naging kalakaran na ito at tila hindi ito matitigil. Malamang mabawasan, pero hindi matitigil. Ito ang nakalulungkot na katotohanan.
Hangga’t may mga taong willing na magpadulas, at hangga’t may mga taong nangangailangan, mananatili ang nakagawiang “under the table.”
Sa pagtanggi ni Guo Hua Ping at Cassandra Li Ong na sagutin ang mga tanong, dito natin makikita na may tinatago silang impormasyon na kung isisiwalat lamang nila ay makatutulong sa pagsugpo ng illegal na activities sa ating bansa.
Kahit nga si dating spokesperson Harry Roque ay nadawit sa POGO operation dahil sa kanyang koneksyon kay Cassandra Li Ong.
Kwestiyonable rin ang biglang paglaki ng kanyang yaman, mula P1.5 million na ngayon ay nasa mahigit ng P120 million.
Naglabas na nga ng arrest warrant para kay Harry Roque ngunit nagtatago na siya ngayon.
Bagama’t unti-unti nang nabubuo ang puzzle, at may hawak ng pangalan na mga big player sa ilegal na operasyon ng POGO, sana ay tuluyan nang mahinto ang illegal na operasyong ito.
Kawawa ang mga naloloko nila.
Sila-silang nag-o-operate lang naman ang yumayaman.
Tama lang ang ginagawa ng Kamara at Senado.