MGA 10 taon pa tayong makikipagbuno sa mahirap na kalagayan ng pambansang ekonomiya. Sampung taon bago tuluyang makabalik ang bansa sa dating landas na tinatahak ng ekonomiya bago mag-pandemya.
Iyan ang tantiya mismo ni Socio-Economic Planning Secretary Karl Chua. Dagdag pa ng kalihim, nasa P41.4 trilyon ang pagkalugi o mawawala sa ating ekonomiya sa loob ng apat na dekada. Ang dahilan: mga nadiskaril na pribadong pamumuhunan, nagsarang mga negosyo at kaakibat na pagkawala ng empleyo mula nang dumating ang pandemya noong 2020.
Marahil ay bahagya tayong natuwa sa anunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na may magandang paggalaw ang gross domestic product o GDP sa ikatlong quarter ng taon na umabot sa 7.1%, na ayon sa economic managers ng administrasyon ay senyales na bumabangon na ang ekonomiya. Kasunod ay ang pagbubukas ng mga negosyo sa halos 50 to 75%.
Sa kabila niyan, naitala ang 4.6 milyon na bilang nga mga walang trabaho noong Setyembre sa kasagsagan ng delta variant scare. Ito ang pinakamataas na unemployment rate sa loob ng 14 na buwan.
Walang saysay, kung gayon, ang ipinipintang nagkukulay-rosas na ekonomiya sa harap ng katotohanang marami pa rin ang walang trabaho. Ang kawalan ng trabaho ay hindi lang sugat na dama ng isang indibidwal kundi ng bansa. Sa kawalan ng kita, hihina din ang konsumo. Kapag walang konsumo, wala ring kita ang mga negosyo, at ang gobyerno. Walang bibili ng produkto dahil walang maipambili; wala ring bubuwisan.
Taliwas sa anunsiyo ng PSA, hindi pa masasabing bumubuti ang kalagayan ng pambansang ekonomiya batay lamang sa naitalang 7.1% growth rate. Usad asno o usad pagong pa rin ito. Hindi dapat agarang magdiwang sa positibong GDP na naitala sa Quarter 3 ng taon. Hindi pa ramdam ng mamamayan ang mga epekto ng pinalulutang na gumagandang sitwasyon ng ekonomiya. Malayong-malayo pa.
Bukod sa malawakang unemployment, lumolobo rin ang underemployment na naitala sa pagtaas na 668,000 o mula 6.5 milyon sa second quarter ay umabot na sa 7.1 milyon sa third quarter. Ang underemployment ay sitwasyon kung saan ang mga manggagawa ay napipilitang tumanggap ng trabahong mababa sa level ng kanilang tinapos.
Ayon sa pag-aaral, dumarami ang nakapaloob ngayon sa informal o irregular na trabaho sa kabila ng sinasabing pagbubukas muli ng mga negosyo. Dumami ang namasukan bilang mga kasambahay o trabahador sa mga pribadong kabahayan. Ang bilang ng mga suwelduhang manggagawa sa mga pribadong establisyimento, sa kabilang banda, ay bumagsak sa 20.9 milyon sa third quarter. Patunay ito na hindi pa talaga nakakabawi ang mga maliliit na negosyo.
Ang ilan pa sa sobrang naapektuhan na sector ay ang transportasyon at storage, mining, accommodation at food services, agriculture, forestry at fishing, tourism, retail trade at education, professional at business services, construction, real estate at health sector.
Nanatili namang walang pagkalugi sa mga negosyong kuryente, tubig, waste management, financial at insurance activities, information at communication at public administration. Sa katunayan, nakapagtala pa nga ng ganansiya ang mga giant utility companies gaya ng Meralco na nagdeklara ng consolidated net core income na P18.1 billion mula Enero hanggang Setyembre ng taong kasalukuyan.
Ang isa sa nakakaalarma, ayon sa pag-aaral ng research group na Ibon, ay ang paghina ng pangunahing kita mula sa remittance ng mga overseas Filipino workers. Mahalaga para sa ating foreign dollar reserve ang kanilang mga remittance.
Kahit makamit ang GDP growth target sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, hindi pa rin kagyat na makakabawi ang lugmok na ekonomiya. Masyadong malalim ang sugat na nilikha ng pandemya.
Sa huling assessment, matagal-tagal pa ang penitensya para sa hikahos na madla.Nasa sitwasyong wala tayong natitirang opsyon kundi ang magpakatatag dahil karaniwang polisiyang panglipunan at pang ekonomiya ay hindi pumapabor sa atin. Lagi tayong iniiwan sa kangkungan ng ating mga policymakers.
Totoong may naihatag na ayuda partikular sa mga bulnerableng sector gaya ng sa mga jeepney drivers. Pero hindi natin dapat kalimutan na may implasyon, dahilan upang mabalewala ang maliit na kinikita na napunta lamang sa mataas na presyo ng gasoline at batayang mga pangangailangan. Mayorya rin sa kanila ay hindi na nakabalik sa pamamasada dahil may grupong nagmaniobra at umagaw sa kanilang kabuhayan, ang grupo ng mga kontraktor ng bagong mga mini-bus mula Tsina.
Mungkahi ng mga makabayang ekonomista, dapat ay huwag ng mag drowing ng makulay na imahen para lamang pagtakpan ang masaklap na kalalagayan ng bansa sa ngayon. Dapat huwag paasa.
Mas makabubuti na magpakatotoo sa tunay na sitwasyong pang-ekonomiko upang mahanapan din ng tamang solusyon. Kung maaari, ipagpatuloy ang mga stimulus packages para sa maliliit na negosyo at manggagawang nawalay sa kanilang trabaho. Trabaho ang kailangan upang magtuloy-tuloy ang cycle ng economic activity na siyang magiging daan para sa unti-unting paggalaw at pagbangon ng lahat ng sektor.
Hindi kailangang magpabango ng mga economic managers ng bansa. Maliwanag sa taumbayan ang dispalinghadong palakad sa pambansang pinansiya katulad ng maling prayoridad sa alokasyon at distribusyon ng pambansang badyet– na nagbunsod ng sala-salabat na problema at nagpabigat pa lalo sa kinakaharap nating pandemya.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]