CAVITEX, SCTEX, NLEX, SLEX.
Sino sa atin ang hindi pamilyar sa mga daang ito na nagsisilbing pangunahing entrada o ruta ng mga sasakyan papasok at palabas ng Kalakhang Maynila? Upang mapabilis ang daloy ng mga sasakyan at maging ligtas ang daan para sa mga manlalakbay, ang mga ito ay kinakailangang laging nakukumpuni. Hindi basta-bastang halaga ang ginugugol para sa pagkukumpuni nito.
Dahil sa implasyon at pagtaas ng pangunahing mga bilihin kabilang ang gasolina, humingi ng kaulukang pagtaas ng toll fee sa NLEX noong June 15, 2023. Inaprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang toll fee increase mula P7 to P98.
Sa bisa ng Republic Act 7656 o Toll Operation Decree, nalikha ang TRB at nagsimula ng operasyon noong 1993. Ang TRB na isang ahensya ng gobyerno ang nagrerebyu at nag-aapruba sa anumang rate adjustments na ipinapanukala ng toll operators. Layunin ng ahensya ng balansehin umano ang interes ng toll road operators at komyuters.
Batay sa Public-Private Partnership (PPP) agreement sa pagitan ng korporasyon ( NLEX Corporation, operator ng SCTEX) at ng pamahalaan, pinapayagan ang naturang mga expressways na humingi ng dagdag singil sa pamamagitan ng petisyon kada dalawang taon. Dapat ito ay masusing pinag-aaralan at ikinokonsidera ang mga salik na nakakaapekto sa hinihinging dagdag-singil. Sinasabing mataas ang nakaraang toll increase para maibalik umano ang malaking nagastos sa pagkukumpuni ng mga daan, tulay at katulad na mga isyu sa imprastruktura.
Bukod sa pagkukumpuni sa mga kalsada, saan ba talaga napupunta ang toll fees? Sa mga pailaw sa daan, sa mga ginagamit na teknolohiya upang bumilis ang daloy ng trapiko? Sa expansion o pagpapalapad sa mga kalsada? Sa traffic signals at pagsasaayos ng drainage ng mga lugar na binabaha?
With all that, milyon piso nga ang kailangang ilabas ng mga nangangasiwa ng toll.
Subalit ang hindi naikokonsidera, higit sa bilyon din ang kita o kabig nila at malayong-malayo ito sa pagkalugi. Hindi rin naikokonsidera ang anomalya kaakibat ng koleksyon sa toll at pagpapakumpuni sa sinasabing mga sirang kalsada.
Ang totoo, mababa ang level of satisfaction ng commuters sa usapin ng toll fees. Paano nga kasi ay tuloy-tuloy ang paniningil ng mas mahal na toll pero nananatili ang perennial problem sa trapiko lalo na kapag holidays. Sarkatiskong daing ng isang komyuter, “pede kang mag badminton muna habang inaantay ang pag-usad ng mga behikulo” habang nasa NLEX. Actually, nangyari na may senaryong may nagbadminton talaga sa inip sa trapiko.
Hindi lamang toll fees ang ma-anomalya kundi ang mga proyekto mismo ang dapat tingnan, ayon sa mga kontra sa toll fee increase.
As early as 2006, naitala ang dramatikong expansion at pagkukumpuni ng SLEX mula halagang P4 billion ay umabot ito sa P12.5 billion. Dahil diyan, umabot sa 300-percent toll hike ang ibinunga ng naturang SLEX expansion. Umabot sa paghahain ng kaso sa Ombudsman laban sa pamunuan ng SLEX ang naturang pangyayari, dahil ayon sa abugadong petisyoner nito ay “patently anti-poor at evident corruption” ang naturang imposition.
Habang walang malinaw na resolusyon sa mga reklamo sa nagdaang toll fee increases, tuloy-tuloy ang kada ikadalawang taon na toll fee increase. Ngayong araw, Oktubre 17 ay panibagong dagdag na P0.64 kada kilometro ang ipapataw sa kasalukuyang toll rates.
Dahilan kung bakit pinapalagan ito ng mga nasa sektor ng transportasyon at nagsasagawa ng welga.
Ang TRB, nangakong idi-divide ang rate adjustments sa toll upang makabawas umano sa bigat na papasanin ng mga drivers/komyuters.
Anong logic yan, TRB?
Walang pinagkaiba sa linyahan ng Meralco noong sunod-sunod ang pagtaas ng electricity rates sa panahon ng pandemya. Para daw di mabigatan ang mga konsyumers. Mag-installment daw. Ang naïve na konsyumers, nagpasalamat pa sa giant utility. Lumabas na sila pa ang bida dahil sa konsiderasyon na binigay sa electric consumers na matagal na nilang sinisingil ng hindi tama. Gaslighting to the highest level ang peg.
Ang punto ay hindi ang pag-iiskedyul kung kelan magbabayad, kundi ang moralidad ng halagang sinisingil at ipinapasa sa balikat ng konsyumer dahil sa huli, papasanin pa rin ng konsyumer ang unnecessary at di resonableng singil.
Naisip ko, dito sa toll fees talaga may minahan ng sandamakmak na salapi ng publiko. Dito rin ang pinaka-kuwestionableng kalakaran sa koleksyon ng publikong pondo.
Ang nakakalungkot, ito ang isyung pangkonsyumer na matagal ng hindi nabibigyan ng kaukulang pansin para busisihin.
Ang pagpalag ng mga komyuters at drivers ngayon tungkol dito ay napapanahon. In fact, masasabing long-overdue.