Madam senatoriable inis sa kanyang presidentiable

PIKON na pikon na ang isang senatorial candidate sa kanilang pambato sa pagkapangulo.

Hanggang ngayon kasi ay panay pa rin ang banat ng kanilang principal sa mga dating kaalyado ng bida sa ating kwento ngayong araw.

Sinabi ng aking spotter na napapangiwi na lamang si madam sa tuwing binabatikos ni Mr. Presidentiable ang mga dati niyang “BFF” na ngayon ay hindi na rin niya masyadong kinakausap.

Pero kahit pikon na ay wala namang magawa ang ating bida dahil sa tingin niya ay mas malaki ang tyansa niyang manalo sa halalan kung lalayo siya sa partido ng mga dating kaalyado.

Ngayon pa lamang kasi ay sinasabi na ng ilang political experts na sa kangkungan na naman pupulutin ang grupo ng mga dating barkada ni Binibining Kandidata.

Huli na rin para mag-reach out siya sa mga dating kasamahan dahil malaki rin ang tampo ng mga ito sa kanya dahil sa ginawa niyang pag-abandona sa kanilang samahan at pagkakaibigan.

Minsan na ring kinausap ng ating bida ang kanilang pambatong opisyal na maghinay-hinay sa pagpuna sa mga dating kasama pero dedma lamang daw dito si Sir dahil mas gusto niyang makuha ang simpatya ng administrasyon.

Umaasa pa rin kasi si Mr. Presidentiable na siya ang susunod na susuportahan ng grupo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Dahil sa pananalasa ng bagyong Odette ay tiyak naman na huhupa rin ang pagpuna ni Mr. Presidentiable sa mga dating kaalyado ni Madam Senatoriable at ito ang hinihintay na pagkakataon ng ating bida para kahit paano ay makausap ang mga dating kasama.

Tunay na walang permanenteng kaibigan at kaaway sa pulitika kundi pansariling interes lamang.

Hindi na natin kailangan ng clue dahil siya lang naman siguro ang nag-iisang kandidato na swak sa artikulong ito.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]