LUBOG sa baha ang malaking lugar sa Luzon, kasama na ang ilang lugar sa Metro Manila, nitong nakaraang dalawang linggo dahil sa malakas na pag-ulan dulot ng bagyong Egay at Falcon na pinatindi pa ng habagat.
Malawak ang pinsala na idinulot ng dalawang magkasunod na bagyo, lalo na sa sektor ng agrikultura.
Umabot na sa P2.9 bilyon ang pinsala sa agrikultura sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Central Luzon, pati na sa Pangasinan. Isama na rin natin sa apektadong lugar ang MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) at CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon).
Isinailalim na rin sa state of calamity ang 108 na lokalidad sa anim na rehiyon sa Luzon.
Asahan na natin na sa mga darating na araw, buwan, at taon, ay mas malakas at mapanira ang mga bagyo dahil sa global warming.
Kailangan natin ng pangmatagalang solusyon para mabawasan ang mapaminsalang epekto ng pagbaha.
Pero, may solusyon nga ba?
Ang kailangan natin ay isang ahensiya na mag-iisip ng solusyon, isang masterplan na tutugon sa problema ng pagbaha.
Hindi sapat ang mga pumping stations na itinayo sa mga stratehikong lugar na madalas ay binabaha.
Ambisyoso rin ang plano ng Department of Public Works and Highway (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA) na sa taong 2030 ay magiging “flood free” na ang Metro Manila. Malabong mangyari ito kung hindi tayo magiging disiplinado sa pagtatapon ng basura.
Hindi uubra ang puro plano. Matagal na nating naririnig na may mga plano pero wala namang konkretong aksyon. Puro panandaliang solusyon kaya ang problema sa baha, ay paikot-ikot lang.
Bukod sa malalakas na ulan at iba pang kalamidad dulot ng kalikasan, huwag natin kalimutan na higit na malaki ang ating kontribusyon bakit tayo binabaha. Aminin natin na minsan, pasaway tayo sa pagtatapon ng basura.
Disiplina pa rin ang kailangan kung gusto nating mabawasan ang problema sa pagbaha.
Ito na dapat ang panahon para ipakita ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na may plano siya para mabawasan ang matinding pagbaha.
Yun nga lang, hindi pa man nasisimulan, may pangamba na makukurakot ang budget para sa flood control project. Ito ang problema kung ang namumuno ay may bahid ng katiwalian.
Kaya ang dapat na italaga ay yung mga wala kahit isang bahid ng duda sa pagkatao at may matinong kredibilidad.
Maraming suhestiyon, maraming maaring solusyon.
Pero sana, ang solusyong maiisip ay hindi makapipinsala sa ating kalikasan, gaya ng sa kabundukan.