ISANG malaking kalokohan ang nangyayari ngayon sa party-list system sa bansa.
Karamihan sa mga nominado na nasa likod ng party-list system ay galing sa mga angkan ng mga pulitiko lalo na yung mga talunan.
Tulad ng kwento ng isang political clan kung saan pilit na isiniksik ng kanilang amang pulitiko ang pangalan ng kanyang nakatungangang anak para maging kongresista gamit ang kanilang party-list group.
Ni hindi nga malinaw kung anong “marginalized group” ang kanilang kinakatawan pero nanalo pa rin sila dahil sikat ang kanilang pamilya.
Ito ang pangalawang pagkakataon na sumawsaw ang angkan na ito sa party-list system makaraang maibasura ang dati nilang grupo.
Kakilala ko ang first nominee ng kanilang unang binuong party-list group at malinaw pa sa akin ang kwento ng dating nominado na P1 milyon daw kada buwan ang ipinangako sa kanya ng gwapong pulitiko kapag sila ay nanalo.
Ang kapalit noon ay si Mr. Politician ang hahawak ng pork barrel ng kanilang party-list representative.
Sa kabutihang palad ay natalo sila sa halalan noong 2013 kasunod ng pagputok sa isyu ng pork barrel scam.
Nadiskaril ang kanilang maitim na balak pero makalipas lamang ang ilang taon ay nakabawi na sila at nanalo pa sa nakalipas na halalan gamit ang bagong party-list group na binuo rin ni Mr. Politician.
Isa lamang ito sa maraming kwento ng kalokohan sa party-list system.
Nang ito ay naisabatas maraming taon na ang nakalilipas ay maganda ang layunin ng party-list representation pero nanatili ito hanggang sa papel na lamang.
Dahil sa katotohanan ang party-list system ang kanlungan ng ilang pamilyang gustong makisawsaw sa pondo ng bayan at nagpapanggap na mga tunay na lingkod ng bayan.
Tamang magkaroon ng kinatawan sa Kongreso ang tinaguriang marginalized sector ng lipunan pero dapat galing rin sa kanilang sektor o grupo ang maging kinatawan nila sa Kamara.
Kaya nga tama ang suhestyon ang ilang mga tunay at nag-iisip na mambabatas na amyendahan na kundi man ay tuluyan nang ibasura ang party-list system dahil hindi naman nasusunod nang tama ang layunin nito.
Iba pa ito sa kwento ng ilang party-list groups na front organization ng mga teroristang grupo.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]