KASAMA ka ba sa nasiraan ng bait o nabwisit nitong weekend sa mga kalokohang pinaggagawa ng kampo nina Rodrigo Duterte?
Si Mayora Inday Sara, nagdesisyong umatras sa kandidatura sa pagka-mayor at biglang tumakbo sa pagka-bise.
Noon lang October 2, 2021, inanunsyo ni PDuts na magreretire na siya sa pulitika. Pagdating nitong Sabado, November 13, sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar, tatakbo ito sa pagka-bise.
Kinumpirma naman noon ding Sabado ni PDP-Laban secretary general Melvin Matibag na hindi na kakandidato sa pagka-bise si Bong Go kundi sa pagka-presidente na.
Nagkukunwari naman si Marcos Jr na tiwala at kampante na hindi siya madi-disqualify kaya tuloy siya sa pagkapangulo.
Kinabukasan, Linggo, Nov. 14, nabigla ang marami – kamot-ulo, natawa, naasar – binanatan ni Digong si Marcos Jr.
“Pero ‘yang pagtakbo ni Marcos, sasabihin ko ang rason kung bakit hindi ako makasuporta sa kanya at kung bakit na maging—kagaya kay Leni, mga pro ano ‘yan—diyan nga ako takot. Mga pro-communist ‘yan,” hirit ng lolo nyo.
Ano ba talaga koya?
So inakala ng marami – tapatan ang mag-amang Duterte sa bise.
Syempre nabago yan pagdating ng Lunes, Nov. 15, deadline sa withdrawal at replacement.
Nag-file ng candidacy sa pagkasenador si Digong sa pamamagitan ng kinatawan niyang lawyer.
Si Roque, natalo lang ang nominasyon sa International Law Commission, nagbago isip at tatakbo na rin sa pagkasenador para raw linisin ang pangalan niya dahil binansagan siyang war criminal.
Nakigulo rin si dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Antonio Parlade Jr. na nagfile ng kanyang Certificate of Candidacy sa pagkapresidente nito ring Lunes.
Pero binara siya ng Comelec na nagsabing hindi pinapayagan ang substitution sa independent candidates.
Ang kaguluhan sa huling tatlong araw ng deadline sa filing of candidacies sa Comelec ay naglalantad sa maraming kahinaan sa batas, sistema ng eleksyon at level ng kamalayang pampulitika ng mga tao.
Maliban sa mga totoong party-list groups tulad ng Bayan Muna, ang multi-party system ay hindi naman totoo. Alam na natin ang mga laro sa traditional parties. Pagdating sa party-list, maski hindi marginalized o mahirap, under-represented – nakakalusot at namamayagpag sa panloloko.
Lulubog-lilitaw ang mga partido sa Pilipinas. Kung walang eleksyon, nasa pansitan. Pag eleksyon lang buhay ang traditional political parties.
Balimbingan ang mga kandidato. Palipat-lipat, papalit-palit ng partido. Kung sino malakas at dominante, doon nagsisiksikan takot na hindi maambunan ng pork barrel.
Padrino o patronage politics pa rin ang gumagabay sa desisyon ng mga tao – kasakiman sa pwesto, at pagnanakaw sa kaban ng bayan ang nasa isip pag nanalo para mabawi rin ang ginastos sa kampanya.
Ang mga botante – kung hindi immature ay premature.
Bulag-bulagan sa mga demonyong kriminal na pumapatay ng libo-libo sa tokhang, nagnanakaw sa kaban ng bayan, mapanupil lalo na sa kritikal na media tulad ng ABS-CBN, Rappler, Inquirer at alternatibong media.
Ang chi-cheap ng dangal kung ibenta ang boto.
Pera-pera at kapangyarihan ang kahulugan ng kaguluhan sa pulitika.
Kung sino ang nasa poder ng kapangyarihan, magagawa nila ang lahat ng gusto nilang gawin.
Kaya kung ano ang klase ng pamamahala ng gobyerno, tiwali, mandaramabong, mapanlinlang- nararapat sa mga tao dahil yun ang binoto nilang mga kandidato.
Nakalulungkot at nakagagalit.
May pag-asa pa ba?
Kayo ang makakasagot nyan madlang botante.