BBM kinumpirma na si Sara ang running mate

TINIYAK ni presidential aspirant at dating Senador Bongbong Marcos na si Davao City mayor Sara Duterte ang kanyang ka-tandem sa darating na halalan.

Sa post sa kanyang officials social media page, sinabi ni Marcos Martes ng gabi na naisapinal na nila ang proseso para sa tambalang Bongbong at Sara sa 2022.

Bago ito ay nauna na ring inanunsyo ni Duterte na ang kanyang partido na Lakas-CMD ay nakipag-alyansa na sa partido ni Marcos na Partido Federal ng Pilipinas (PFP). Matatandaan na nitong Nobyembre 13, naglabas ng resolusyon ang PFP na pormal na kinukuha nito si Duterte bilang vice-presidential candidate ng grupo.

Ayon pa kay Duterte hiningi nila ang alyansa ng PDP-Laban ngunit tumanggi itong makipagtulungan sa kanila.

Iginiit ni Marcos na ang tandem nila ni Sara ay magsusulong ng mga programang inumpisahan ng administrasyon ni Pangulong Duterte.