BAKIT taun-taon ay binubusisi ng Kamara at Senado ang budget ng gobyerno?
Bakit kailangang depensahan ng bawat ahensiya ng gobyerno ang hinihingi nilang budget?
Kailangan ba pagbigyan lahat ng ahensiya ng gobyerno na nanghihingi ng confidential at intelligence fund o CIF?
Para sa 2024, ang proposed budget ng gobyerno ay nasa P5.768 trilyong at ang malaking halaga ay mapupunta sa sector ng edukasyon, public works, health, social welfare, defense, interior and local government, transportasyon, agrikultura, judiciary, at labor and employment.
Ngunit sa halagang ito, kailangang mangutang ang gobyerno ng P2.46 trilyong para mapunan ang kakulangan sa pondo. Daragdag ito sa kasalukyang utang natin na nasa P14.24 trilyong na.
Bawat sentimo ng national budget ay mahalaga. Bawat sentimo ay dapat “accounted for.”
Kaya, sa mga ahensiya ng gobyerno na hindi naman trabaho ang intelligence gathering ay karapat-dapat bang bigyan ng intelligence fund? At karapat-dapat din bang bigyan ng confidential fund ang isang ahensiya ng gobyerno kahit tahasang sinabi na hindi ito kailangan?
Nitong nakaraang mga araw ay naging kontrobersiyal ang paggastos ng Office of the Vice President sa P125 milyon confidential funds sa loob lamang ng 11 araw, bagamat iginigiit ng OVP na ginastos ito ng 19 araw noong 2022.
Kwestiyonable ang sistema kung paano ginastos ng OVP ang malaking halaga sa maikling panahon. Saan ginamit ang pera sa loob lamang ng 11 araw o kahit na 19 na araw?
Bagama’t hindi natin malalaman ang detalye, isa itong malaking red flag.
Kung kayang gumastos ng OVP ng malaking halaga sa loob ng 11 araw, mapagkakatiwalaan ba natin na magagamit sa tamang proyekto ang hinihingi ni Vice President Sara Duterte na P650 milyon na confidential fund para sa hinahawakan niyang dalawang ahensiya — ang OVP at ang Department of Education (DepEd).
Tandaan natin na hindi mandato at trabaho ng OVP at ng DepEd ang mantiktik ng masasamang elemento.
Sana ay mag-isip-isip ang mga miyembro ng mataas at mababang kapulungan na ilaan ang CIF sa mga ahensiyang sadyang nangangailangan ng nasabing pondo gaya ng Philippine Coast Guard.
Tantanan na natin ang pagbibigay ng Congressional courtesy, ang patayan ng mikropono ang nagtatanong na taga oposisyon, ang pag walk-out habang may nagtatanong pa, dahil nararapat na malaman natin saan gagamitin ang pera ng bayan. At nararapat din na mismong ang namumuno ng ahensiya ang sumagot sa mga tanong dahil dito natin malalaman kung alam nga niya ang kanyang mandato.