TAHIMIK ang power sector.
Hindi dahil kuntento ang consumers sa kalagayan ng industriya o kaya ay paborable sa kanila ang mga bagong nakaupo na mga kinatawan ng Department Of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC).
Tahimik ang konsyumers dahil binibigyan ng pagkakataon ang bagong administrasyon na patunayang mas magiging maayos ang mga polisiyang ipapatupad. Tahimik, pero nagmamasid.
Abused, deprived at sacrificed ang consumers sa mga walang ngipin, anemic, wala sa tono at kinorap na implementasyon ng mga polisiya sa nakaraang mga administrasyon. Kaya malay natin, harinawa ngayon ay maiba ang ihip ng hangin. Mas presko at ligtas, gaya ng ibinabanderang pagkiling sa renewables ng bagong administrasyon.
Kahit inamin ni Energy Secretary Raphael Perpetuo Lotilla na ang energy transition at pagpapababa sa presyo ng kuryente ay hindi mangyayari ng magdamagan dahil sa klase ng energy mix ng bansa na coal (58%), renewables (22%), gas (18%) at oil (2%), umaasa ang konsyumers na magkakaroon ng istabilidad sa presyo at suplay.
Sa organizational meeting ng Senate Committee on Energy kamakailan, tinutukan ang kasapatan ng suplay ng kuryente, pero gaya ng dati, hindi gaanong binigyang-diin ang isyu ng mataas at hindi makatuwirang singil.
One sure sign na magpapatuloy ang hindi makatuwirang singil sa konsyumers ay ang kaisipang siguruhin ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente habang isinasantabi ang isyu ng “reasonable rates”. Power supply is primary, rate is secondary. Or mga linya ng pagtanggap ng walang kaimik-imik: “the most expensive power is having no power at all.” At upang iwasang pumalag sa mataas na singil, binabantaan ng brownout. Kaya mas mabuti raw na mahal ang singil basta hindi mawalan ng kuryente. That has been the mindset noon pa man na pilit itinatanim sa isipan ng konsyumers.
Hindi ba puwedeng wakasan na ang maling mindsetting na ito? Dahil ang power supply, batay sa batas at moral na obligasyon ay dapat na sapat at mababang presyo o at least, makatuwiran.
Bagamat hindi ako nawawalan ng tiwala na makakamit din ng konsyumers ang makatuwirang singil sa kuryente sa huli, malaki ang pangamba ko na hindi ito mangyayari sa malapit na panahon. Hindi ito mangyayari sa pananahimik. Hindi sa panahong nagpalit ng mga bagong mukha, subalit hindi ng bagong direksyon at interes.
Ang pagkaka-appoint- unang una, sa mga nakaupong opisyales ng DOE at ERC ay isang malaking pahiwatig.
Mga eksperto at may malawak na karanasan ang mga opisyal na ito, subalit para sa publikong interes kaya ang itataguyod nila kung ang kanilang karanasan ay nagmula sa pagiging empleyado ng power utility companies na may track record ng partipasyon sa mga kuwestiyonableng kontrata? Mas kikiling kaya sila sa abang kalagayan ng konsyumers o sa profit-driven na mga power producers?
Pangalawa, nasaan ang malinaw na polisiya sa open and transparent bidding gaya ng nakasaad sa EPIRA Law? Ang pagbalewala sa probisyon na ito ang dahilan kung bakit hindi mabasag-basag ang monopolyo sa kuryente. Power costs are high simply because monopolies dictate the price. Kahit pa declared policy ng DOE o ERC na magbaba ng singil sa kuryente, kadalasan ay lip service ito at bahagi ng public speech rhetoric.
Pangatlo, gaano man kaganda ang sinasabi ng EPIRA Law, ang kawalanghiyaan ay nasa implementasyon nito. Kung seryoso ang mga bagong opisyal ng DOE at ERC ng mas maayos na senaryo sa power sector, oportunidad nila ito para irebyu ang implementasyon ng mga polisiya sa kanilang ahensiya.
Pang-apat, renewable energy. Ito ang nais umanong tutukan ni PBBM, batay sa mga pinangako niya noong panahon ng kampanya. Ang isang malupit na sikreto ng renewables ay ito: nag-uunahan noon pa man ang mga kompanya para sa generation ng renewable energy. Very good naman ito, kung hindi lang itinuring ng power producers na nasa renewables na ang bulsa ng mga konsyumers ay tila isang malalim na balon ng tubig na walang katapusang sinasalukan kahit patuyot na. Konsyumers pa rin kasi ang nagbabayad sa subsidyong ipinapamudmod ng DOE sa mga power producers na ito ng renewables. Tingnan ang inyong Meralco bill at makikita ang FIT-All (feed-in-tariff) charges para sa renewables.
Totoong dapat magkaisa para sa mas malinis na energy mix o pagkukunan ng suplay ng kuryente gaya ng renewables, subalit bakit laging at the expense of consumers? Pagkatapos ay konsyumers pa rin ang dadanas ng hagupit ng mataas at di makatuwirang singil?
Nasaan ang hustisya?
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]