Koronang ‘epal queen’ aagawin ni Camille kay Imee

MUKHANG maaagaw ni Rep. Camille Villar kay Senator Imee Marcos ang korona bilang isang tunay na ‘epal queen’ habang papalapit nang papalapit ang nakatakdang senatorial election sa Mayo 12.

Kung mapapansin, tulad ni Imee hindi nagpapahuli si Camille, at patuloy rin ang ginagawang pagkakabit ng mga tarpaulin na makikitang nagkalat sa mga barangay, munisipalidad, lungsod, at hindi lang dito sa Metro Manila kundi maging sa mga lalawigan din.

Sumasabay rin si Camille kay Imee sa pag-iikot kung saan-saang lugar, at laging present sa mga kaganapan tulad ng flag raising ceremony, kasalang bayan, fun run, birthday, graduation, beauty contest, anniversary, fiesta at ground breaking ng mga gusali pati na mga kalye at tulay.

Tulad ni Imee, ang pamimigay ng TUPAD at AICS sa mga lokal na pamahalaan ay naroroon at hindi nawawala si Camille sa kabila ng kautusang tanging mga kinatawan ng DOLE at DSWD ang kailangang mamahagi ng nasabing suporta.

At sa pagpasok ng election at campaign period, unti-unting nararamdaman ang tunay na ‘bangis’ ni Camille, at mapapansing halos tinadtad na ang buong bansa ng kanyang tarpaulin kabilang na ang sunod-sunod na political ads sa telebisyon, radyo pati sa social media.

Kaya nga, marami ang nagtatanong kung talagang naagaw na nga ba ni Camille kay Imee ang korona bilang ‘epal queen’? At papayag ba naman si Imee na pumangalawa na lamang kay Camille at mawala sa kanya ang trono ng pagiging super epal?

Kung iisiping mabuti, nakalulula ang bilyon-bilyong pisong ginagastos nina Imee at Camille sa kanilang ‘pangangampanya’ masiguro lang na mananalo at mangunguna sa halalang darating.

Pero ang nakalulungkot, sa kabila ng kanilang ginagawang paglulustay ng malaking halaga ng pera, kulelat na lumalabas sina Imee at Camille sa pinakahuling senatorial survey ng SWS.

Sa ngayon, laglag ang dalawang epal sa ‘Magic 12’ ng SWS at nasa ika-14 na lamang si Imee at si Camille naman ay nasa ika-15 puwesto.

At sa pagsisimula ng campaign period ngayong Pebrero 10 na magtatapos sa Mayo 10, magandang subaybayan kung sino kina Imee at Camille ang hihiranging tunay na ‘epal queen!’