‘GIVE us our money’s worth!
Bakit nga ba patuloy ang billing sa konsyumer kahit mahina o walang internet connection, at tuwing may unscheduled shutdown ng mga planta ng kuryente gaya ng nangyari kamakailan at noon pa man?
Nauunahan ako ng galit madalas kapag napag-uusapan ang isyung ito. Matagal na kasi itong problema at bilang “insider” sa ganitong mga isyu ay talagang hindi ako pabor na patuloy na ninanakawan ang mga konsyumer sa gitna ng tirik na araw.
Nakakalungkot na ilang taon na ang nakalilipas ay nangako ang isang senador na maghahain siya ng panukalang-batas na ang layunin ay upang patawan ng mabigat na parusa ang mga generation companies na hindi tatalima sa power plant maintenance schedules. Subalit ang problema sa unscheduled shutdowns (at sabay sabay pa!) ay nagpapatuloy over the years.
Ang masaklap sa shutdowns ng mga planta, garantisado pa ring bayad ang mga power plants na ito batay sa power supply agreements (PSAs).
Gaya ng inaasahan, maraming rason ang power generators. Kesyo teknikal ang problema at hindi sila dapat sisihin.Kesyo peak season at mataas ang demand.
Na isang malaking kasinungalingan.
Ang problema ay hindi teknikal. Mas madalas ay kontraktuwal at pinansiyal. Sa pagkakaalam ko (wala pa akong nababasang revisions), ang mga PSA hanggang ngayon ay dati pang old style contracts kung saan nakasaad na guaranteed ang full capacity fees kahit naka maintenance ang planta at di makapag deliver ng suplay ng kuryente. Makikita ito sa maintenance downtime provisions sa PSA kung saan ang IPP ay “excused” na mag deliver ng suplay ng kuryente kung sasalang sa maintenance (na dapat ay batay sa schedule). Typically, 45 hanggang 60 days para sa coal plants.
Walang ilegal sa naturang probisyon lalo na kung ang gagawin ay preventive maintenance. Normal na proseso ang pagkukumpuni upang mas maayos na gumana o tumakbo ang mga planta.
Ang mali- napakalaking kamalian- ay ang garantisadong bayad o full capacity fees na fixed sa panahon na di gumagana ang planta at at ang charges ay normal na ipinapasa sa lupaypay na balikat ng kawawang konsyumers.
Wala rin sigurong mali na bigyan ng insentibo ang IPPs batay sa kakayanan nilang huwag mapadalas ang maintenance shutdowns, pero mali na binabayaran pa rin sila kahit hindi sila aktuwal na nakakapagsuplay ng produkto. Isipin na lang ito: electric consumers are being charged for 12 months of service but are only getting power from the generator/producer for 10 months. Hindi ba malinaw na pagnanakaw sa kalagitnaan ng tirik na araw?
Kung may anomalya sa “downtimes”, mas matindi sa normal na buwanang singil. Parang sirang plaka na ako sa isyung ito at katunayan ay naiparating na ng aking grupo ang hinaing hanggang Korte Suprema.
Senate Bill 2074 under the 18th Congress
Samantala, sa wakas ay may panukalang batas na inihain kamakailan si Senator Jinggoy Estrada na humihiling sa mga telcos at internet service providers na magbalik ng singil sa kanilang subscribers sanhi ng service interruptions. Inatasan ng senador ang mga ito na lumikha ng mekanismo para sa automatikong refund or adjustment ng charges sa parehong prepaid at postpaid subscribers kapag mi interruptions sa koneksyon.
Maganda ang hangarin ng naturang panukala na resolbahin ang mahirap na kalagayan ng konsyumers lalo na at dobleng napakahirap magreklamo at maiparating ang mga reklamo kaugnay nito. Kung maisasabatas at maayos ang implementasyon, matitiyak na maibabalik sa konsyumers ang tunay na halaga ng kanilang ibinayad. Money’s worth, ‘ika nga.
Ang problema pa rin sa kabila ng maayos na panukala ay ang implementasyon ng batas. Bukod dito, palaisipan din ang epekto ng Public Service Act na pumapayag sa 100% foreign ownership ng mga public service utilities, kabilang na ang telecommunications industry. Maaring salungat dito ang layunin ng panukala ni senador Estrada dahil sa 100% foreign ownership ay maipagwawalang-bahala ang pro-consumer na control ng ating pamahalaan.
Matuwid o makatuwirang singil at kalidad na serbisyo ang hiling ng konsyumers. Noon hanggang ngayon. inilaban at patuloy na inilalaban sa korte, sa plenaryo, sa kalsada.
Sadly, makipot pa rin ang daan tungo sa totoong proteksyon ng aping konsyumers.