Konsyumer ang laging talo

COPING“.

“Surviving.”

“Buhay pa naman.”

Iyan ang ilan sa mga sagot sa akin kapag kinakamusta ko ang ilang kaibigan.

Ramdam ang pilit na paglaban sa kasalukuyang sitwasyon ng daigdig. May pahiwatig man ng pagsuko, pero lumalaban. Kumukurot ng kaunting pag-asa mula sa pamilya, kaibigan, kaalyado at mga iniidolo.

Hindi talaga madaling mabuhay sa ilalim ng mapanghamong panahon.

Kaya labis akong balisa sa balita ng one-time, bigtime na pagtaas ng presyo ng langis at gas nitong pagpasok ng buwan ng Oktubre. Kaya pa ba ng ordinaryong konsyumer na itawid ang dagdag-gastos sa presyo ng langis at gas? Ang dating presyo ng 11-kilo na LPG na naglalaro sa P560- P600 noong Hunyo ay P700 na ngayon!

Ang tanong ng madla: Bakit ngayon pa? Napaka- wrong timing dahil lugmok ang ekonomiya, maraming nawalan ng buhay at kabuhayan. Sagarin ba naman ang konsyumer sa pagtaas ng presyo ng basic commodities nitong nakaraang Hulyo, ang pagbaba ng presyo ng palay pero walang pagbabago sa presyo ng bigas, at syempre, nauna rito ang tila gintong presyuhan ng baboy noong Abril na umabot sa P380 hanggang P450 kada kilo. At ngayon nga, presyo naman ng gas ang tumaas.

Ayon sa Department of Energy, may paghigpit ng presyo ng produkto sa pandaigdigang pamilihan. At hindi lang Pilipinas ang apektado kundi maging ibang mga bansa. Dikta ng galaw sa merkado ang kaakibat na price hike, katuwiran ng departamento. May epekto rin umano sa presyo ang fluctuation ng peso-dollar rate.

Sa tingin ng ilang analysts, magandang senyales ang pagtaas ng presyo ng langis. Ibig sabihin may paggalaw sa paggawa. Nagbubukas paunti-unti ang ekonomiya. At dahil nagbubukas na ang paggawa, may kaakibat itong pagtaas ng demand sa suplay. Kaya nagkakaubusan. Ang epekto ng nauubos na suplay ay mas mataas na presyo. Law on supply and demand, ‘ika nga.

Magandang senyales nga ba ang pangyayaring ito?

Pinakahihintay nating lahat na bumuti ang ekonomiya, bakit nga hindi? Sa kasalukuyan ay nakapako sa 3.7% lamang ang growth rate ng ating ekonomiya, at sa tinatakbo ng mga pangyayari, mahihirapang makamit ang projected target na 7-9% growth rate para sa 2021 lalo pa at dalawang buwan na lamang bago ang taong 2022.

Subalit hindi tamang justification na kailangang magsakripisyo ang konsyumer sa mataas na presyo kung kaya namang hindi sila ang sumalo sa passed-on charges bunsod ng naturang pagtaas. Palasak na ang rason na may ripple effect sa domestic market ang pagtaas ng presyo ng produktong langis sa international market. Nangyayari ito pero hindi dapat na magpatuloy.

Dahil sa katunayan kung may masinop at makataong energy policy, hindi aabot sa kawalan ng estabilidad ng presyo ang langis at gas, may pagsipa man ng presyo sa international market o wala, may pandemya man o wala. Bakit ko nasabi ito? Ang patunay: nakapagrehistro pa rin ng kita na aabot sa P21.7 bilyon noong 2020 ang Meralco. Bumaba man ito ng halos siyam porsiyento sa kita nito noong 2019, maliwanag na walang pagkalugi at maaring gawing stable ang presyo kung nanaisin nilang mag-adjust nang kaunti para sa konsyumer. Kung paiiralin nila ang pagka-makatao sa panahong ito ng kakapusan at isadiwa ang pribileyo bilang public utility franchise.

Sa mismong mga salita ng isang dating energy insider na si John Hofmeister, author ng librong “Why We Hate The Oil Companies”, sinabi niyang malabong maubos o magkaroon ng kakulangan ang pinagkukunan ng enerhiya at mga langis panggatong. ”What we are short on is a coherent, pragmatic energy policy.” Totoong malaki ang papel ng kawalan ng masinop na polisyang pang-enerhiya sa peryodikong pagsipa ng presyo, pagkaubos ng suplay, pagkasira ng imprastruktura at iba pang banta gaya ng brownouts.

Bilang isang consumer rights advocate na halos 10 taon nang nagbabantay sa galawan ng mga power players, naniniwala akong hindi lamang dikta ng pandaigdigang merkado ang anumang pagsipa ng presyo ng langis o gasolina. Bagkus, may mga kamay na gumagalaw sa sector upang lumikha ng imaginary na kakulangan. Sinasamantala ang ganitong senaryo upang tumabo ng tubo. O magdikta ng mataas na presyo.

Ang pananahimik ng naatasang mga regulators ay malaking question mark na nagpapahiwatig na buhay na buhay ang iskema ng panunuhol at korapsyon sa naturang mga ahensya.

Ang mga ito ang dahilan kung bakit deprived ang consumers sa tamang singil o rates, kung bakit may unnecessary, illegal at passed-on charges na konsyumer ang sumasalo. Halimbawa na lamang ay ang taas-babang singil sa kuryente. Gaya ng LPG, recurring ang ganitong pangyayari sa usapin ng elektrisidad. Passed-on charge ang stranded costs. Kung bakit kahit kinukumpuni ang ilang planta ng kuryente ay patuloy na ikinakarga sa ating buwanang billings ang stranded costs. Ganun din ang systems loss. Walang pagkalugi sa utility company dahil anumang nawawala sa kanila ay binabawi sa pagsingil ng systems loss na umaabot sa 12 to 14%, taliwas sa 8.5% na ceiling as imposed by the law.

Bakit tahimik ang regulators? Bakit hanggang salita at kulang sa gawa ang ahensya na nagtitiyak dapat sa estabilidad ng presyo?

Sa huli, konsyumer ang laging talo sa mga passed-on charges na ito.

Ipinangako sa ating mga konsyumers ang buwan at bituin noong 2001 sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA Law). Mababang singil, stable na supply. Subalit ang mga polisya ay kumiling hindi para sa mga konsyumer kundi para sa kapitalista.

Hindi na dapat magpatuloy ang ganitong kalakaran. Hindi natin dapat yakapin bilang realidad ang anumang ihain sa ating presyo. Makialam tayo. Magbusisi. Palakasin ang boses konsyumer.

Para sa tanong o komentaryo, mag-email sa [email protected]


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]