HINDI ordinaryong tratado ang Rome Statute of the International Criminal Court.
Pinakadugo’t kalamnan ito ng customary international law – ito ang mga nakagawian at nakasanayan nang mga practices, galaw, at hakbangin ng mga sibilisadong bansa alinsunod sa kanilang legal na obligasyon at tungkulin.
Jus cogens
Di maaaring labagin ng sinuman, kailanman, at saan pa mang sulok ng daigdig – nang walang kaakibat na personal at pansariling pangkriminal o iba pang anyo ng pananagutan at responsibilidad – ang prinsipyo ng jus cogens ng customary international law.
Salitang Latin ang jus cogens na ang ibig sabihin ay “compelling law” o ang siyang nakapangyayaring batas.
Kapag sinabing prinsipyong jus cogens ng customary international law, ito ang pinakamataas, at siyang nakapangyayari at nakapangingibabaw na prinsipyo ng batas.
Sa ilalim ng Article 53 ng Vienna Convention on the Law of Treaties (1969), walang bisa ang isang tratado kapag sinasalungat nito ang prinsipyo ng jus cogens.
Mapasaanman at magpakailanman, itinuturing ang jus cogens bilang siyang pinakamatayog na anyo ng customary international law na kinikilala at sinusunod ng buong kabihasnan.
Ilan sa mga halimbawa ng jus cogens ang pagbabawal sa slavery o pang-aalipin, genocide, at torture.
Jus cogens ang prinsipyo ng customary international law na nararapat umiral sa lahat ng pagkakataon.
Di mapangangatwiranan o mapahihintulutan ng sinuman ang paglabag sa prinsipyo ng jus cogens.
‘Pagkat labag ito sa prinsipyo ng jus cogens.
Sa ilalim ng batas internasyonal, may legal na tungkulin ang bawat indibidwal, nasyon, o estado na sundin ang prinsipyo ng jus cogens.
Binughan ng hininga ng sibilisadong daigdig ang prinsipyo ng jus cogens sa bisa ng Rome Statute of the International Criminal Court. Ipinagbabawal ng Article 5 ng Rome Statute ang war crimes, genocide, crimes against humanity at crime of aggression.
Walang magagawang palusot o maidadahilan ang sinumang Ponzio Pilato na nagsasagawa ng planado’t sistematikong pagpatay ng libo-libong sibilyan tulad ng isinagawa umano ni Pangulong Rodrigo Duterte mula nang maging mayor siya ng Davao City.
Di sila maaaring maghugas-kamay sa isinasagawa nilang pamamaslang ng libo-libong maralita sa ngalan ng kontra-mamamayang “digmaang kontra-droga” ni Duterte.
Sa ilalim ng Rome Statute, mananagot sila sa salang crimes against humanity of murder.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]