NAPAPANAHON na muling seryosohin ng pamahalaan ang kampanya kontra droga lalo’t naging laman ng balita ang pagkakasangkot ng ilang tauhan ng pamahalaan sa sindikato ng illegal drugs.
Kamakailan ay sinalakay ng mga tauhan ng PNP at Philippine Drug Enforement Agency o PDEA ang mismong opisina ng PDEA sa Taguig City.
Huli doon ang ilang PDEA agents na nagbebenta ng recycled na shabu.
Ito yung mga nakuha nila sa mga nahuling tulak na makaraang mapunta sa kanilang pangangalaga ay sila naman ang nagsilbing mga pusher.
Noong Agosto ay naghain ng panukala sa Kamara si Iloilo City Rep. Julienne Baronda para sa pagbuo ng anti-drug abuse council sa lahat ng mga lungsod, bayan at lalawigan sa bansa.
Maganda ang panukalang laman ng kanyang House Bill 756 dahil wholistic ang approach nito laban sa ilegal na gamot.
Pero may suggestion ako na kung pwede lang ay isalang sa biglaang drug test ang ilang miyembro ng Kamara.
Mayroon kasing grupo na tinaguriang “Bomba Boys” na umano’y kilala sa paggamit ng illegal drugs sa tuwing sila ay nagkakaroon ng private parties.
Paboritong tambayan ng grupo ang isang mamahaling hotel malapit sa Manila Bay na madalas ring tambayan ng mga sugarol.
Sinabi ng aking spotter na pasimuno sa kalokohang ito ang isang medyo bata pa namang partylist representative na sobra ang daming dalang kayabangan at pera sa katawan.
Masamang impluwensya ito sa mga kabataang mambabatas kung totoo ang sumbong ng aking source.
Madali namang masisilo ang mga drug addict kahit saang sektor ng lipunan kung isasalang lamang sila sa makatotohanang drug test gamit ang blood sampling.
Sa mga susunod na araw ang magiging balita ito lalo’t may mga grupong nananawagan na sa liderato ng Kamara na gawing tunay na drug-free ang buonh Batasang Pambansa Complex.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]