(Editor: Si Jojo Dass ay isang OFW sa Dubai simula noong 2008. Siya ay isang mamamahayag.)
DUBAI, United Arab Emirates — Pagpupugay mula dito sa siyudad na mas sikat sa bansag na “international city that never sleeps”!
Totoo naman. Hindi natutulog ang Dubai. Liban na lang siguro noong panahon ng lockdown nang nakaraang taon dulot ng pandemyang Covid-19.
Ayon na rin sa iba’t ibang opisyal na pahayag, kasama na rito ang pamahalaan ng UAE, na kung saan ang Dubai ay isa sa pitong tinatawag na “emirates” o kumbaga ay estado dahil pederal ang sistema ng gobyerno; at ng konsulado-heneral natin mismo, tinatayang may 500,000 na mga Pilipino ang naririto sa Dubai.
Kalahating milyon! Andyan na lahat – mga overseas Filipino workers (OFWs), kanilang mga kamag-anak, at yaong mga tago nang tago dahil wala nang papeles at yung iba ay may kaso pa sa banko dulot ng bisyong “kaskas credit card” na bumibilang sa isa sa mga dahilan ng pagkakulong ng mga kababayan natin ditong nasabat.
Ang sarap kasing mag-shopping spree dito sa Dubai – lalo na pag may “sale.”
Sa Pilipinas, di naman nila magawa – karamihan, ha, dahil sa kasalatan.
Kalahating milyon!
Ang dami ano? Namumutiktik! Animal!
Nang linukuban ng COVID-19 ang siyudad, umabot sa mahigit 10,000 OFW ang natengga – no work no pay. Karamihan kasi ng mga kababayan natin dito ay nasa services sector – restaurants at mga hotel – na lubhang apektado ng lockdown.
Marami ang nagsiuwi na lang kaysa pa maubos ang kanilang ipon. Marami ang nasadlak sa problemang pinansyal sa kanilang mga investments sa Pilipinas tulad ng condo. Marami rin ang kumapit lang…at kumayod.
Nag-underground, nag-part-time. Nagluto ng mga ulam, mga kakanin, mga pagkaing gaya ng bananac-que, at inilako sa mga tirahan ng kapwa Pinoy.
Marami ring mga propesyunal, mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, sa bias ng kanilang End-of-Service benefits sa kumpanya ang nagsipagtayo ng sariling kumpanya.
(Ano ang kanilang kinasapitan? Alamin sa susunod na bahagi ng ating kwentuhang Dubai)
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]