“DASURV” ng mga mamimili ang maayos na serbisyo at murang produkto.
“Dasurv” din nila ang murang singil at sapat na suplay sa usapin ng utilities gaya ng tubig, kuryente, transportasyon, at maging toll fee.
Kung ang June 12 ay itinakdang Araw ng Kasarinlan, mahalaga ring ilapat ito sa kasarinlang tumutukoy sa pagkaalipin ng mga tao sa konsumerismo. Maraming balakid kung bakit masasabing hindi malaya ang mga mamimili.
Una, kalayaan mula sa mga istupidong alituntunin.
Sa kuryente halimbawa, sinisingil tayo sa mga gastusing dapat ay ang nagnenegosyo ang pumapasan. Nariyan ang paniningil sa systems loss, o pagkalugi sanhi ng mga suliraning internal ng kapitaliista; ang pagkakarga dati sa bill natin ng Feed-I-Tariff (FIT) charges para sa mga renewables na pinagpaparte-partehan lang naman bilang subsidy ng mga preferred power producers ng renewables; ang performance-based rate-making na pumapapayag sa paniningil sa mga konsyumers ng projected capital investments ng power producers (hindi ba’t pribiliheyo ang mabigyan ng prangkisa kung kaya natural lamang na mag”performed” ng tama at makatuwiran, bakit kailangang may gantimpala pa rin at the expense of consumers?); ang patuloy na negotiated biddings sa suplay ng kuryente imbes na transparent at competitive biddings na bukas para sa lahat ng nagnanais magsuplay ng kuryente upang mapababa ang presyo. Kailan tayo magiging malaya sa mga illegal at immoral charges?
Pangalawa, kalayaan mula sa di-makatuwirang presyo ng produkto.
Sa isang pagpupulong nga mga kababaihan kamakailan sa UP Center for Integrative Studies, sinabi ni Ginang Rosalinda ‘Inday” Ofreneo, Professor Emeritus ng UP, na maraming grupo ng kababaihan ang kanilang tinutulungang makapagtatag ng mga social enterprise na ang pangunahing layunin ay hindi lamang kumita kundi para din maturuan ang mga miyembro kung paano matulungan ang kapaligiran mula sa panganib ng pestisidyo at mga chemical-based na pataba.
Mga kababaihan ang nagtatanim at sila na rin ang nagtutulungan upang ibenta ang kanilang mga produkto na hindi dumadaan sa traders kaya mas nabibili ito ng mura at ligtas. Samantala, ang mga produktong komersiyal at ang iba naman ay imported ay dumaraan sa kamay ng mga ganid na traders kung kaya nalulula sa presyo ang mamimili. Hinikayat ni Prof. Ofreneo na magtatag ng mga social solidarity economic groups gaya ng kooperatiba, asosasyon, at mga foundation para lumaya ang mga nanay sa hirap ng pagbabadyet para sa pamilya.
Ikatlo, kalayaan sa pagkamakasarili at pagtataguyod ng “co-sharing profit.”
Ang ideya dito ay dapat ibahagi ng mga kompanya ang kanilang kita sa mga empleyado nila at hindi sarilinin bilang personal na tubo. Sa Labor Code ay iniaatas na ang mga service establishments gaya ng mga restoran ay dapat mamahagi ng mga “tip” mula sa goodwill ng kostumers sa kanilang mga tagasilbi o waiters. Sa bahagi ng utility sector gaya ng kuryente, matagal nang hinihingi ng kostumers na bigyan sila ng dividend mula sa meter deposits na sa tingin nila ay ginagamit na dagdag-kapital ng kompanya sa pagpapatakbo nito ng negosyo. Nararapat lang naman, hindi ba?
Ikaapat, kalayaan mula sa di ligtas na produkto at serbisyo.
May mga regulatory bodies ang mga utility companies subalit nararanasan pa rin ang pagdaloy ng maruming tubig mula sa mga linya ng tubig. Nakakarating din sa hapag ang mga chemical-laden na imported na mga frozen food, bigas, adulterated oil at prutas na tinurukan ng kemikal upang tumagal sa merkado. May monitoring at quality control agencies na nagbabantay sa mga panganib na ito subalit marami ang naipuspuslit at naibenebta ng mura sa mga di nagsususpetsang mamimili na ang tanging hangad ay makamura sa pamimili.
Hindi lumalaya ang konsyumer sa di nito pagkibo sa mga tiwaling gawain. Dahil takot tayong maputulan ng kuryente, nagawa na ba nating tangkain na ikuwestiyon ang ahensiya na may saklaw nito kung bakit mataas ang kanilang singil?
Dahil hindi tayo apektado sa presyo sapagkat may kakayanan tayong magbayad, nagawa na ba nating makisimpatiya man lamang sa mga taong lumalaban para mapababa ang di makatuwirang singil o isa tayo sa bulag, pipi at bingi sa mga katiwalian?
Ang lakas upang malabanan at mapunit ang tanikalang gumagapos sa “naka-hostaged” na kalagayan ng konsyumers ay nasa pagkakaisa at kooperasyon ng bawat konsyumer. Hindi magaganap ang panlipunang pagbabago sa kalagayan ng konsyumer kahit abutin pa ng dalawang-daang taon kung patuloy nating tintatanggap ang nakagawiang mga iregularidad sa sektor na ito.