DUBAI, United Arab Emirates – “Kapit lang.”
Ito ang lagi mong maririnig sa mga Pinoy dito, lalo na noong kasagsagan ng pandemya – libo-libo ang nawalan ng kabuhayan nang pansamantalang nagsipagsara ang mga hotel at restoran, na kung saa’y mahigit kalahati ng tinatayang 500,000 na mga kababayan natin dito ang nagtatrabaho bilang waiter, kusinero, drayber at iba pa.
Umabot sa mahigit 10,000 na mga OFWs sa United Arab Emirates, ayon na rin sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang umuwi na lamang ng Pilipinas kaysa nga naman maubos nang dahan-dahan ang naipong pera sa bayad-upa at pagkain habang wala namang sinusweldo.
Sa kabila nito, marami pa ring mga Pinoy ang nakipagsapalaran – at di naman nabigo.
Ilan nga sa kanila ay si Vin Jimenez, tubong Angeles City sa Pampanga, na, kasama ng kanyang asawa ay inilagak ang 10-taong ipon sa negosyong milk tea. Maayos naman sana. Lamang ay inabutan ng lockdown ang kanilang milk tea shop.
Binuksan ang shop noong Marso 12, 2020. Nag-anunsyo ang gobyerno ng lockdown noong Abril 4, 2020. Ilang linggo palang ang mag-asawa sa kanilang hanapbuhay ay obligado nang pansamantalang magsara.
Paano sila nakasalba?
Work from home ang mga tao kaya ayun nag-deliver sila ng mga order.
“Naiwan sa aming mag-asawa ang operasyon dahil hindi rin makapasok ang mga empleyado. Kaya’t nang mag-work from home ang mga tao, sumabak na kami sa deliveries,” sabi ni Vin.
Nakaraos sila. Huling balita ko’y magbubukas na sila ng ikalawang milk tea shop at inaayos na rin ang prankisa ng kanilang restoran na ang pangalan ay “Joy Bubble.”
Isa pang kwento ng tagumpay o success story ay si Eirene Suchy, tubong Badian, Cebu na nagdaan din sa napakaraming pagsubok. Naroroon na mawalan ng trabaho o di kaya’y di makasahod ng ilang buwan.
Noong 2006 dumating si Eirene sa Dubai. Sa loob ng napakahabang panahon ay nakabisa na niya ang galawan, ika nga, sa siyudad.
Kaya nga naman nitong Pebrero ay nagbukas siya, sa tulong na rin ng mga kaibigan, ng isang online job search platform para sa mga nawalan din ng trabaho noong panahon pandemia.
“Nagkaruon ako ng riyalisasyon na makakatulong ako sa mga kababayan ko mula sa mga karanasan ko bilang OFWs sa nagdaang mga taon,” sabi ni Eirene.
Ang kanyang online job search platform, na may pangalang Gohuntr, ay may listahan ng may 600 na mga kumpanya sa UAE at mga anunsyo nitong vacancies, ayon sa huling pakikipag-usap ko kay Eirine.
Mahigit 100 na OFWs na ang nakatanggap ng tawag para sa interview, ayon pa rin sa pinakahuling kwentuhan namin ni Eirine. Libre ang mga serbisyo ng Gohuntr.
Isang human resource specialist naman si Robie Torre-Gonzales. Taga-pamuno din sya ng Association of Filipino HR practitioners (FilHR) sa Dubai, na kung saa’y nagbibigay sya ng mga pro bono services sa mga miyembro para sa kanilang mga training.
Labindalawang taong nagtrabaho si Robie sa kumpanya dito sa Dubai. Natanggal sya noong isang taon sa panahon din ng pandemya.
Inaral ni Robie ang sitwasyon at nakitang dulot ng pandemya ay nagtanggal ang maraming kumpanya ng mga essential employees at nag-outsource na lamang sa ibang maliliit na kumpanya ng mga trabaho ng mga employedong sinisante.
“HR services ang ilan sa mga pinaka-outsourced na gawain,” sabi ni Robie, kaya’t nagbukas sya ng sariling kumpanya: People Bureau International (PBI).
Paparami na rin ang kanyang mga kliyente.
Kapit lang talaga at may paroroonan din. Di ba?