MALAKING isyu lalo na sa mga miyembro ng media ang pagbibigay ng accreditation sa mga vlogger at blogger ng access sa Malacanang at maging miyembro ng Malacanang Press Corps.
Katwiran ng ilan ay iba ang diskarte ng mga tunay na journalist kung ikukumpara sa mga vlogger at blogger na nagbibigay ng kanilang opinyon sa mga isyu.
Iba ang pagbabalita sa pagbibigay ng opinyon sa isang partikular na isyu bagay na maihahanlintulad sa mga kolumnista ng dyaryo at online news websites at dokumentarista naman para sa telebisyon at ilang online news platform.
Mahaba pa ang argumento sa isyung ito pero ang mahalaga ay matiyak na hindi fake news ang mga maibibigay na impormasyon sa publiko lalo na kung magmumula ito sa Malacanang.
Kaugnay sa isyung ito, nakalulungkot ang nangyari kay Sass Rogando Sasot na kilalang vlogger at supporter nina Pangulong Rodrigo Duterte at President-elect Bongbong Marcos.
Kamakailan ay inimbitahan si Sass na isang woman transgender para maging graduation speaker ng Southern Philippines Institute of Science and Techonology.
Ginanap ang nasabing graduation sa auditorium ng Church of God sa Dasmarinas sa Cavite.
Bago pa man ang graduation ay pinagsabihan na umano ng liderato ng Church of God Dasmarinas ang nasabing paaralan na hindi sila papayag na magsalita sa kanilang pag-aaring lugar si Sass.
Hindi malinaw ang dahilan kung may kinalaman ba ito sa kanyang pagiging transgender o tagasuporta nina Duterte at Marcos.
At itinuloy nga ng nasabing church organization ang kanilang banta dahil habang nagsasalita sa graduation ceremony si Sass ay pinatay nila ang mga ilaw at sound system ng auditorium.
Mabilis naman ang ginawang tugon ng mga estudyante at sabay sabay nilang binuksan ang ilaw ng kanilang mga cellphone habang si Sass naman ay nagpatuloy sa kanyang talumpati.
May punto pa nga na umakyat ang ilang security officer ng Church of God Dasmarinas sa entablado at pilit na pinabababa si Sass sa gitna ng kanyang talumpati.
Anuman ang dahilan hindi tama ang husgahan ang mensahe ng isang imbitadong speaker sa isang event tulad nito.
Hindi rin tamang husgahan ang itsura ng isang tao base sa kanyang gender preference.
Respeto ang mahalaga para sa katinuan ng ating bansa sa gitna ng pagkakahati hati sa aspeto ng pulitika at relihiyon.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]