Itaas ang diskurso

HINDI kailanman maaaring ituring na “helpless” at walang magagawa ang ordinaryong mamamayan sa usapin ng paggo-gobyerno. Tinitiyak ng Konstitusyon at ng Local Government Code ang mahalagang partisipasyon nito sa policy-making processes at pagbabadyet.

Nakasaad sa Saligang-Batas ang mga sumusunod na batayan ng kapangyarihan ng taumbayan na makialam sa mahahalagang proseso na ito.

Article II, Section 23. The State shall encourage non-governmental, community-based or sectoral organizations that promote the welfare of the people.

Article XIII, Section 15. The state shall also respect the role independent people’s organizations to pursue legitimate and collective interests and aspirations through peaceful and lawful means.

Samantala, binigyang-diin ng Local Government Code ang papel ng non-governmental organizations (NGOs):

Section 34: Local government units shall promote the establishment and operation of people’s and non-governmental organizations to become active partners in the pursuit of local autonomy.

Ito ang kolaborasyon na may mandatong dapat itulak at kilalanin. Pangunahin sa papel ng NGOs ang partisipasyon sa joint ventures katuwang ang gobyerno: nasyonal at lokal- para episyenteng makapaghatid ng batayang mga serbisyo publiko, proyektong pangkabuhayan, at pagbuo at pagpapatatag sa kapasidad ng bawat indibidwal.

Ang nakakalungkot lamang ay maging sa ganitong lehitimong kolaborasyon sa pagitan ng namamahala at pinamamahalaan, talamak ang maruming sistema na palakasan. Nagkakaroon ng di-pantay na pagtingin ang LGU lalo na kapag hindi nito tagasuportang pulitikal ang grupo o NGO na humihingi ng pakikipag-koloborasyon. Ang mga kuwalipikadong NGOs ay nai-etsapuwera kapag hindi malakas sa kung sino ang pinuno ng barangay, bayan, siyudad, lungsod, pamahalaang nasyonal.

Naalala ko ang hinaing ng isang farmer-leader sa Nueva Ecija. Aniya, hindi sila pinapakinggan ng kanilang pinunong-bayan sa lahat ng usaping panlipunan na mahahalaga kahit pa napakakagyat na sila ay bigyang-pansin. Ibinunyag niyang biased ang kanilang pinunong-bayan dahil alam nito na hindi niya tagasuporta ang naturang farmers’ group.

Hindi rin nakalista at legally recognized ng LGU ang kanyang grupo. Ito ay sa kabila ng katotohanang ang farmers’ group na ito ay kilala sa national level at marami nang naitulak na mga reporma para sa kagalingan ng mga farmers.

Sa ilalim ng Local Government Code, isa sa mga rekisito sa pakikipag-ugnayan sa LGU ang certificate of recognition. Madali lang na proseso ito kung tutuusin. Subalit marami nang pagtatangka umano na makipag- dialogo ang naturang grupo sa LGU ngunit hindi sila binibigyan ng pagkakataon ng “vindictive” na pinunong bayan dahil hindi nila ito sinuportahan noong nakaraang eleksiyon.

Bagkus, isang NGO na walang track record sa usapin ng rural development ang nabibigyan ng pondo ng lokal na pamahalaan para sa implementasyon ng mga proyektong dapat ay pampubliko pero mga pribadong tao at kamag-anak ang lubos na nakikinabang, gamit ang pondo mula sa kaban ng bayan.

Lumalabas na ang mga “in-house NGOs” o NGOs na mismong ang public official o kamaganak nito ang nagtatag ay mayroong bogus projects at mga proyektong hindi akma sa dapat paglaanan.

Ang badyet para sa mga kababaihan, halimbawa, ay napupunta sa NGO na itinatag ng mayora- ang asawa ng alcalde- at ginagamit sa personal na gawain nito, gaya ng outing kasama ang mga amiga. Kung paano nila ito nabibigyang-katuwiran sa kanilang liquidation form ay usapin pa rin ng palakasan at panloob na kalakaran.

May mga LGUs na malusog ang kolaborasyon sa NGOs. At dahil dito, malimit ang presensiya ng NGOs sa mga pagdinig, partikular sa budget hearings.

Ang badyet sa local government units (LGUs) ay tinututukan upang matiyak na ito ay totoong badyet para sa taumbayan (people’s budget), na repleksiyon ng kanilang mga adhikain, plano at mga pangarap. Mas malapit sa realidad kung ito ay kanilang masusing nababantayan at napapakialamanan.

Paano magagawang makibahagi ang isang ordinaryong mamamayan sa mahalagang proseso na ito na tutukoy, magpapaliwanag at magbibigay-prayoridad sa mga proyektong pambayan?

Isang kababayan ko sa Montalban ang paulit ulit na nanghihingi sa akin ng payo kung paano maging “Maritess Para sa Bayan.” Natuwa naman ako sapagkat may kabuluhan ang napili niyang gawain na makialam at makilahok sa pamamahala kahit siya ay wala sa posisyon. At kasama sa mga sagot ko sa kanya ang mga bagay na ito.

Una, ipinaliwanag ko na manggagaling ang inisyatiba para sa taunang badyet ng isang LGU sa local chief executive nito-ang alcalde ng bayan-batay sa kautusan ng Section 318 ng Republic act 7160 o Local Government Code of 1991. Nasasaad dito na “the local chief executive shall submit the said executive budget to the Sanggunian concerned not later than the sixteenth of October of the current fiscal year.”

Kapag naisumite na ng alkalde ang taunang badyet, mag-uumpisa itong gumulong sa pandinig sa Sanguniang Bayan o Panlalawigan. Priority measure ang budget sa mga sesyon ng na kagyat ikakalendaryo ng kalihim o secretariat ng SB o SP.

Ang prosesong ito ang magtitiyak na gumagana ang makinarya ng pamamahala. Ito ang magtatawid sa mga tao sa mga pangangailangan nila sa kalusugan, edukasyon at iba pang batayang serbisyong panlipunan.

Bilang interesadong Maritess ng bayan, condition precedent ‘ika nga, na maging miyembro o bahagi ng isang people’s organization (PO) o non-government organization(NGO). Sa pamamagitan nito ay magkakaroon ng legal color ang anumang adhikain para sa komunidad at makakamit ang legal na personalidad upang maging representante ng marginalized sector na nais magtanggol o magtaguyod ng kanilang kapakanan.

Mula dito, kailangan ang accreditation ng organisasyon na kinapapalooban galing sa Sangguniang Bayan o Panlalawigan, na dapat ay matugunan ng naturang ahensya sa loob ng sampung araw.

Ilan sa mahahalagang komite na puwedeng upuan ay ang Nutrition Council, Solid Waste Management Board, Development Council, Gender Council, Women Council, Senior Citizen’s Council, Disaster Risk Reduction and Management Council, and so on.

Ang pribilehiyo na maimbita sa budget hearings, magkaroon ng mabilis na access sa mga dokumento, makasama sa pagpaplano ng mga programa, aktibidad at serbisyong pambayan ay isang makabuluhang pakikialam.

Ito ang daan para sa kinakailangang mga reporma na magbubunsod ng pagbabago sa lipunan. Higit sa lahat, magkakaroon ng mas demokratikong pamamahala kung may nagmamasid at nagbabalanse sa mga gawaing direktang nakakaapekto sa pamumiuhay ng taumbaayan.

Kaya itaas natin ang diskurso sa pamamahala.

Makibagi tayo sa mahalagang proseso na ito. Higit itong makabuluhan kesa sa walang sustansiyang pagma- “maritess” sa personal na buhay ng iba.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]