Isumbong natin si Tulfo

SORRY. 

Ganun na lang ba yun?

Wala raw problema kasi nag-sorry naman yung anak ng senador na isang kongresista.

Ang tinutukoy natin ay itong anak ni Senador Raffy Tulfo na isa ring kongresista, na si Quezon City Second District Rep. Ralph Tulfo na dumaan sa Edsa bus lane at na-fined ng P5,000 ng Land Transportation Office (LTO).

Nagbayad naman daw sila ng penalty, magse-seminar din daw yung driver as part ng kanyang traffic violation. At higit sa lahat, nag-sorry.

Pero, sino ba talaga ang dapat na mag-seminar para malaman kung ano ang tama sa mali?

Sa aking opinyon, yung kongresista na anak ng senador ang dapat na mag-seminar. 

Siya ang dapat umupo sa pwesto ng driver sa seminar. 

Ipagpalagay na natin na sariling desisyon ng driver ang dumaan sa bus lane, bakit ito kinunsinti ng kongresista? Bakit di niya ito pinalabas sa lane? 

Sinabihan ba niya ito na ako na ang bahala sa iyo pag nahuli ka?

Halos araw-araw na binabalita sa radio, television, dyaryo, at maging sa social media na bawal dumaaan sa bus lane ang sino mang may dala ng pribadong sasakyan, senador, congressman, or very important person ka man.

Hindi naman lingid sa ating kaalaman na nakilala ang mga magkakapatid na Tulfo sa pamamagitan ng kanilang social media programs kung saan inaalipusta nila ang mga taong sa akala nila ay mali ang ginawa, pulitiko man yan, pulis, may-ari ng korporasyon at kahit pribadong indibidwal.

Kung murahin nga nila yung mga “pasaway” na isinusumbong sa kanila, public officials man o private individuals, ay ganon na lang kawagas. 

Hindi pa nga napapatunayang guilty, nahusgahan na kasi isinumbong sa kanila.

So, dapat pala isinusumbong din sa kanila yung kongresistang Tulfo na nilabag yung batas trapiko. 

Ang kaso, walang nakitang problema yung tatay niyang senador sa ginawang paglabag ng kanyang anak.

Nag-sorry na nga, di ba?

Patawa.

Isa lang malinaw sa akin, wala sa listahan ko na tangkilikin sa darating na eleksyon ang kahit isa sa kanila. Sayang ang pera ng bayan sa ganyang klase ng mga politiko.