Istorya ni Chef Ricardo, kapupulutan ng aral

Nang siya ay nag-aaral pa sa University of the East – Recto, kumukuha ng kursong pang-abogasya, nag-working student si Ricardo R. Bojador para may maipantustos sa mga gastusin at matrikula.

Trabaho nya? Hugas-pinggan sa restoran sa Manila Pavilion sa may Ermita. Napilitan na rin syang mag-drop out upang magtrabaho na lang ng full time at suportahan ang kanyang mga magulang at kapatid.

Ngayon, sa edad na 42, si Ricardo ay respetadong executive chef sa isang fine dining na restoran dito sa Dubai: Wakame sa Sofitel Hotel – Downtown Dubai.

Tunay ngang pang-MMK ang istorya ng buhay ni chef na syang kapupulutan ng aral para sa mga nasa bingit ng pagsuko sa kanilang sinapit sa buhay.

Sa aking panayam, heto ang payo nya sa mga may pinagdaraanan: “Focus lang po sa trabaho. ‘Wag susuko at higitan mo kung ano ang nagawa o na-accomplished mo kahapon. Every day dapat may progress ka maliit man o malaki.”

“At kung makakatulong ka na ma-improve ang kalagayan at ma-inspire ang mga tao sa paligid mo, ‘wag kang mag-hesitate. Maging masaya ka sa tagumpay ng kapwa mo at gawing motivation yun para sa sarili.”

“Kung nasaan po ako ngayon, malaking parte po niyan ay yung pinanggalingan ko,” dagdag pa nya. Lakas ng dating, di po ba? Galing sa mismong nagdaan sa pinagdaraanan natin ngayon at hindi nakalimot na lumingon.

Noong 2006, dahil sa kinalyo na pati utak sa kaiisip kung paano pa sila mabubuhay nang maginhawa’t matutupad ang pangarap na, ika nga ni Joey Ayala, “makatikim ng kaunting hayahay,” naglakas loob ang ating bidang si Chef Ricardo na magtungo dito sa Dubai.

“Struggle is real,” sabi pa nya sa akin. Totoo naman.

Bibihira ang Pilipinong may ranggo sa kusina ng mga restoran dito. Mahigit 1,000 ang mga chef dito at sa mahigit 13 taon kong pamamalagi ay mabibilang ko lang sa aking mga daliri kung ilan ang Pinoy.

Hindi rin naman agad na naging sikat na chef si Ricardo. Nagsimula rin sya sa paghuhugas, hindi ng mga pinggan, kundi mga gulay at iba pang delieveries sa isang restoran.

Pero talagang desidido si chef: “Papasok ako ng maaga sa shift para matapos agad ang mga gawain ko nang sa gayo’y may oras ako para naman matuto,” aniya.

“Ang misyon ko,” dagdag pa nya, “ay matuto sa mga galawan upang maging bihasa.” “At doon ako nag-pokus. Maraming oras ang ginugol ko araw araw habang umaasang darating ang panahon na makikilala ako sa larangang ito.”

Hindi nga nagtagal, na-promote si Chef Ricardo mula kitchen helper at inihanay sa mga kasamang chef sa restoran na iyon. Dumating ang pagkakataong pinakahihintay at siya ay na-assign sa sushi bar.

At doon na nga nagsimula ang pag-angat ng kanyang career. Dalawang beses pang na-promote si Chef Ricardo sa loob ng dalawa’t kalahating taon. Noong 2008, naging Demi Chef si Ricardo sa isang sosyal na restoran ng Jumeirah Group of Hotels kung saan, dahil sa kanyang tuluy-tuloy sipag upang mapagyaman pa ng higit ang kanyang karanasan at kaalaman, ay na-promote sya ng tatlong beses hanggang naging Sous Chef.

At 2013 nang naging Senior Sous Chef si Ricardo sa Katsuya by Starck, isa pang sikat at pang-mayamang restoran dito pa rin sa Dubai. Nag-training sya sa Los Angeles, California para lubos na magamay ang restoran.

Naging head chef sya at muli na namang na-promote sa pagiging Executive Chef sa Katsuya. Sa taong din yaon, pinarangalan ang Katsuya: BBC Good Food Award for Best Japanese Restaurant.

Kamakailan lamang sya napunta sa Wakame – para bang pinag-aagawan ng mga restoran dahil may pangalan.

Samantala, itutuloy natin sa pagbabalik ng kolum na ito ang mga kwento naman ng mga kababayan dito na nagsarili na matapos mawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Abangan.

Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]