HABANG isinusulat ang kolumn na ito ay patuloy ang malakas na pag-ulan sa rehiyon ng Southern Tagalog (MIMAROPA) at maging dito sa Metro Manila na siyang nagdulot ng mga pagbaha dala ng bagyong Jolina.
Sa ngayon masyado pang maaga para mabatid natin ang pinsala sa agrikultura at imprastraktura dala ng bagyo. Ang malinaw lamang ay makakaapekto ang bagyong ito sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo na yung mga produkto sa katagalugan.
Kapag napinsala ang agrikultura sa Southern Tagalog malaki rin ang epekto nito sa ating mga pamilihan dahil bukod sa nasalanta na kailangan pa nilang bunuin ang pasensya gawa ng mga lockdown.
Ngayong Agosto kasi umabot na sa 4.9 porsiyento ang itinaas ng inflation rate mula 4.0 noong nakaraang Hulyo. Ito na ang pinakamataas na naitala mula pa noong Enero 2019. Ang patuloy na pagtaas ng inflation (o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin) rate ay bunga na rin ng mataas na demand sa pagkain at kakulangan ng suplay dahil pinipigil ng matagal na lockdown ang daloy ng produkto.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority, ang 4.9 inflation rate ay gawa ng pagtaas ng presyo ng pagkain at alcoholic beverages kasunod ang utilities. Ayon sa mga eksperto, kapag hindi napigilan ang pagtaas ng bilihin ay masasayang.
Sa ganitong pagkakataon kasi, lalo na ngayong may isang national emergency gawa ng pandemya, ay hindi ko maiwasang tanungin ang aking sarili kung bakit tila natutulog sa pansitan ang ating mga kawani ng gobyerno lalo na ang Department of Agriculture.
Sa mahigit isang taon na nating pamamangka sa pandemya ay tila parang hanggang ngayon ay nag i-eksperimento pa rin ang gobyerno lalo na sa usapin ng lockdown. Lalo na nitong linggo nang urung-sulong na ipatupad ang GCQ, na kalaunan ay mauuwi na naman sa isang linggong extension ng MECQ hanggang Setyembre 15.
Nakakaloko, ‘di po ba?
Isipin mo na rin na nakahanda na ang mga service crew ng mga restaurant at ilang establisimyento na ilang buwan din nagsara dulot ng lockdown, tapos bigla na lang silang bubulagain na hindi pala matutuloy ang nauna nang ipinaradang anunsyo na GCQ. Nakakainis dahil mismong ang Malacanang pa ang nagpakalat ng balitang magkaka GCQ na sa Setyembre 8, na nagkataon naman na birthday ni Mama Mary, pero binawi rin.
Ang pakikipaglarong ito ng palasyo at IATF sa ating mga sensibilidad ay parang pinahiran ng asin ang ating mga sugat. Kung paano natin ito tutuldukan ay isang malaking katanungan lalo na sa mga netizen na hindi ikinatuwa ang asal na ito ng pamahalaan sa social media.
Ang urong-sulong na mga polisiyang ito, sa aking pananaw, ay indikasyon na hindi talaga alam ng gobyerno ang kanilang ginagawa sa umpisa pa lamang kaya’t lalong nahihirapan ang mamamayan at ang ekonomiya sa bandang huli. Sa bandang huli, tayo ring mamamayan ang pahihirapan ng mga maling prayoridad na ito.
Sa umpisa pa nga lang kasi ay ibinigay sa mga dating heneral ang pagpapatakbo sa IATF gayong isang medical emergency ang ating suliranin. Ganito rin ang nangyari sa ibang ahensya ng gobyerno na tila ba walang inisyatiba na gawan ng solusyon ang mga problemang kaakibat ng pandemya lalo na sa pagkain, mobility, kalakalan at industriya.
Mas higit na nakakalungkot na malaman mo na ipinagbabawal ang pagdalo sa mga misa sa mga simbahan ngayong may MECQ tapos bukas ang mga casino sa mga pwedeng magsugal.
Kasabay ng mga balitang kapalpakan sa pag handle sa pandemya ay ang pagpasok ni Senador Ping Lacson at Senate President Tito Sotto III na nagdeklarang sasali sila sa karera sa 2022.
Ngayong nagsabay na ang kampanya at paglaban sa Covid-19 ay hindi na rin maiiwasan ang katanungan kung paano mangangampanya ang mga pulitiko at kung paano isasagawa ang eleksyon kapag nanatili ang COVID-19 sa susunod na taon at may mas malakas at matinding variant. Huwag naman sana.
Ayon kasi sa mga eksperto hindi 100 percent guarantee ang bakuna. Pinatunayan na ito ng Delta variant na higit na mas malakas makaimpeksyon at mas nakakahawa.
Ang tanging laban na lang talaga natin ay malakas na pangangatawan bukod sa bakuna. ‘Yun nga lang malusutan man natin ang pandemya, mamamatay naman tayong dilat ang mata.