IRR ang salarin

MAY kutob akong mainit na namang pag-uusapan ang pag-aamyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) o Republic Act 9136. In a few days, tag-init na. At gaya nang dati, may dahilan na naman ang mga gencos (generation companies) para magtaas ng alarma na numinipis ang suplay at magkakaroon ng brownouts. May magdedeklara ng power maintenance. Masusura ang mga consumer watchdogs. Magpapasikat ang ilang mambabatas. Isusulong ang pag-aamyenda sa batas.

Kabisadong-kabisado ko na ang galawang iyan.

Ganyan din ang nakikita ng technical consultant at co-convenor ng Matuwid Na Singil sa Kuryente (MSK)na si David Celestra Tan. May namumuong usok para sa panawagang amyendahan ang butas-butas na batas. Totoo naman kasing sa loob ng 21 taon ay bigo ang EPIRA Law sa mga pangako nito sa publiko na sapat na suplay ng kuryente, mas mababang singil at pagpapatupad ng makatotohanan at bukas na kompetisyon sa mga suppliers.

Magaganda ang press releases ng mga bagong halal at nakaupong opisyales ng Energy Regulatory Commission (ERC), Department of Energy (DOE), National Electrification Administration (NEA) at iba pang kaugnay na ahensiya. Iisa ang tutok nila: amyendahan ang EPIRA dahil ito ay hindi naging beneficial sa electric consumers.

Sa halos isang dekada kong pagbabantay sa industriyang ito bilang consumer advocate, masasabi kong magaganda ang probisyon ng EPIRA. Subalit gaya ng physical na structure ng tao, may itinatago itong kapangitan. Magandang panlabas, may kabulukan sa loob. Walang kaluluwa dahil patuloy na nagpapahirap sa konsyumers. Ang tinutukoy ko ay ang magagandang probisyon ng batas, pero mapanlinlang na implementasyon dito.

Naisabatas ang EPIRA Law noong June 6, 2001. At imbes na maghatid ng magandang resulta para sa konsyumer, naging paborable ito para sa “vested interests.” Mas lalong lumala ang dominasyon ng malalaking monopolyo at magkakasabwat na puwersa sa industriya, mas kakaunting totoong kompetisyon at mas mataas na singil sa paglipas ng taon. Patuloy ang mga pulang alerto at bluff ng pagkawala ng kuryente, at walang pakialam sa climate issue partikular sa energy mix na coal na sinasabing mapanganib sa tao at kalikasan.

Ginagatasan ang kawawang konsyumers ng bilyon- bilyon sa pamamagitan ng unnecessary charges sa monthly bill upang ipang-subsidyo sa renewable energy projects na diumano ay makakatulong sa pagkontrol ng malawakang perwisyo sa kalikasan subalit hindi seryoso sa pagkontrol ng pinakaugat ng problema: ang patuloy na pagtatayo ng coal power plants.

Nasa deklarasyon sa mga probisyon ng EPIRA ang layuning maging globally competitive ang Pinas sa usapin ng kuryente subalit kabaligtaran sa layuning iyan ang totoong naging implementasyon ng batas. Nagkaroon ng anointed bidders, mga iregularidad sa pagbi-bid at kung anu-anong anti-consumer na mga polisya. Dahilan upang patuloy na dinidiktahan ng iilang makapangyarihan ang presyo ng kuryente.

Malaking question mark din ang mga personahe na nakaupo sa mga ahensiyang sakop ng power industry. Kung ang intensiyon ay pagmalasakitan ang konsyumer, bakit walang representante ng konsyumer sa mga pangunahing ahensiya? Napakaraming consumer advocates ang may kakayanan para magsulong ng balanseng polisiya na pabor sa konsyumer, Bagkus ay mga dating mga opisyal ng malalaking gencos ang salit-salitang inilalagay sa mga posisyon. Kaninong interes sa palagay ninyo ang isusulong ng mga ito?

Malaking peligro ang pag-aamyenda sa batas ayon kay Celestra-Tan na nagsabing gaano man kaganda ang nilalaman ng batas ay nasisingitan pa rin ng last-minute provisions mula sa tinawag niyang “dark forces.” Aniya, “As examples, under Article 45, distribution utilities were suddenly allowed in the last two days of finalizing the law to buy up to 50% of their power needs from their affiliated companies…when up to that point only 30 to 35% were being discussed during the bicameral sessions. Also, no competitive bidding was required to somehow protect consumers.”

Nakakasuklam.

Kahit ordinaryong tao ay makokonekta kung bakit may singitan. May money trail kahit saan, kahit sa chamber ng mga pinagpipitagang lider ng bayan.

Dagdag pa ni Celestra-Tan, “It is even worse in its implementing rules or IRR passed more than a year later. Rule 11 was inserted in the EPIRA IRR, thereby actually amending the edict of Section 45 of the main law in controlling market concentration of power generation facilities. Effectively, the limits on how much power a distribution utility (DU) can buy from an affiliated company had been surreptitiously changed way beyond 50% to even be 100%… How can the IRR of a law brazenly contradict the main law it is supposed to implement?”

Kaya nakasadlak tayo sa mataas na singil na kung tutuusin ay pupuwede naman maging “matuwid na singil” ay dahil sa “insertions” sa IRR kung saan walang transparent na kompetisyon (kaya may nagdidikta sa presyo), may monopolyo, at patuloy na korapsiyon sa mga ahensiyang may hawak sa industriya.

Huwag na naman nating sayangin ang buwis ng taumbayan sa pag-aamyenda ng EPIRA. Ugatin muna natin ang mga problema sa anomalya sa bidding, vested interests ng mga nagmamaniobra sa industriya, at makakalikasang energy mix.

Sa kasalukyang senaryo, hindi madali.

Dahil hanggat hindi napuputol ang ugat ng mga problema, patuloy ang pag-usbong ng masasamang sanga na tuluyang magpapahirap sa mamamayan. Magpapatuloy din ang protracted ordeal ng kawawang electric consumers.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]