USONG-uso ngayon ang “ipon challenge”, at maganda naman ito.
Eto yung gagawa o bibili ka ng alkansya o kahit na anong sisidlan ng pera, barya man o buong pera at lalagyan ito araw-araw. Maari naman kung kelan lang may sobrang barya na may maihuhulog.
Kadalasan sa bukid o mga probinsya, isang putol na kawayan o buho ang ginagamit. Kung minsan, yung kawayang suporta sa dingding na sawali o sasa ang binubutasan at doon inihuhulog ang ekstrang pera.
Maganda dahil hindi basta mawawala o mananakaw ang alkansya, pwera na lang kung masunog o masira ang bahay na pawid.
Minsan, yung bao o coconut shell ang ginagawang alkansya. May niyog na tinatawag na “buaw” o yung walang laman. Magaan ito at magandang gawing alkansya dahil walang laman o coconut meat. Kadalasang ginagamit din ang plastic o sisidlan ng baby powder o ng alcohol .
Maganda ang ipon challenge lalo na sa maraming sobrang pera.
Kung hindi kasi maasikaso ang pumunta sa bangko o mag-online banking, di namamalayan na dumarami na ang naipon.
Di problema ang pag-iipon sa mga ipinanganak na rich kid o may golden spoon agad!
Sa mga isang kahig-isang tuka, kalakasan ang pagiging masinop kahit sentimo ay iipunin upang dumami.
Maganda ang nakikita sa social media na mga batang nag- iipon galing sa pinagpaguran. Nagtitinda ng gulay, prutas o mga kakanin at iniipon ang pinagbentahan. Ipon at hindi iphone ang inaasikaso.
Sa panahong walang kasiguruhan, mainam ang may inipong pera; sa alkansya man o sa bangko. Stay fluid ika nga. Mahusay yung may pera agad na pambayad sa mga pangangailangan. Pambili ng pagkain, pambayad sa bahay, tubig, kuryente, internet at kung anu-ano pang bayarin. Di na laging matatakot kay “Judith!”(due date).
Kung may ipon, di kakabahan ang iyong kaibigan pag nangumusta ka, sa Facebook man o personal. Kasabihan kasi ngayon na delikado pag kinumusta ka ng kamag-anak o kaibigan. May pahiwatig na mangungutang!
Hindi ka iiwasan dahil alam milang may inipon ka. Lalapitan ka naman para utangan! Yan ang masama. Sa panahong ito, yung may pautang ang nahihiyang maningil lalo na sa kamag-anak.
Ingat din sa mambubudol. Baka mga siraulo lang ang makinabang sa pinagpaguran. Iwasan din ang impulsive o emotional buying. Isipin muna kung talagang kailangan ang bibilhin.
Sa panahong nagtataasan lahat ng bilihin at mga serbisyo, may laban sa buhay ang may inipon. Kung magkasakit man o sa mga biglang pangangailangan, may madudukot na inipon.
Napakahirap yung aapela sa social media para humingi ng tulong. Ipapublish ang gcash number sa ganung pagkakataon.Harinawa ay di danasin ng mahihirap na walang maipon. Sana maaasahan ang gubyerno lalo na sa healthcare o pagpapaospital na walang babayaran.
Di na mag-aalala kung may inipon o wala kung maganda ang healthcare system ng bansa: libre pagpapaospital at gamot, at kung mura ang mg bilihin.