Impunity sa mga pag-atake

ANO ang common denominator nina Leila De Lima, Windel Bolinget, Glofie Baluntong, Dra. Natividad Castro, Teresita Naul, Dionisio Almonte, Lady Ann Salem at Frenchie Mae Cumpio?

Lahat sila – biktima ng political persecution ng iba-ibang administrasyon. Ibig sabihin, inilalantad at binabatikos nila ang gobyerno o iba ang kanilang political o ideological beliefs sa kasalukuyan at dominanteng elitistang pamumuno.

Inaresto at ikinulong sila base sa gawa-gawa o trumped-up charges.

Si dating Senadora at Justice secretary Leila De Lima ay nakakulong noon pang 2017 sa bintang na tumanggap siya ng drug money para sa kanyang senatorial campaign noong 2016.

Ang ₱1.4 million campaign funds ay sinasabing ibinigay kay Leila sa gang party sa Bilibid ng namatay na drug lord na si Jaybee Sebastian.

Si Leila na ang pinakamabangis na kritiko ni Rodrigo Duterte.

Noong 2009 inimbestigahan ni Leila bilang commissioner ng human rights ang killing spree ng Davao Death Squad. 

Sobrang nagalit dyan si Digong na naging terror mayor sa Davao sa loob ng 22 taon.

Nabigo sila Leila dahil malalim ang takot ng mga Dabaweńo na lumantad at magsalita sa extrajudicial killings sa syudad. 

Sa panunungkulan ni Digong, madalas niyang murahin, siraan at pagbantaan si Leila hanggang naipakulong niya ang babaeng nagbansag sa kanya bilang serial killer at demonyong berdugo.

Sa isa pang kaso ng trumped-up charges, noong December 2020, naglabas ng arrest warrant laban kay Windel Bolinget, presidente ng Cordillera People’s Alliance (CPA).

Noon pang 1984, panahon ng diktadurya ni Marcos Sr. nakikipaglaban ang CPA para sa karapatan lalo na sa ancestral domain ng indigenous people (IP) sa norte.

Katunayan naglabas pa ng shoot-to-kill order laban kay Windel para patunayang delikado ang taong yan.

Pero taga-Cordillera si Windel at hindi pa siya nakapunta sa Mindanao.

Mali ang kasong murder laban kay Windel dahil ang tinutukoy na biktimang pinatay sa murder case ay kumukontra sa isang hydroelectric project sa Mindanao. 

Ang CPA ay lumaban sa pagtatayo ng Chico Dam sa Luzon. Ang pinatay sa Mindanao ay lumalaban sa hydro power sa Mindanao.

Magpapatayan ang nagtataguyod ng indigenous people’s rights?

Sabi nga ng UN Rapporteur Mary Lawlor, “Mr. Windel Bolinget has been falsely accused of being implicated in a murder of an indigenous leader in a province he has never been to.. the charge should be dropped.”

Kung may dating senadora at lider katutubo na sinampahan ng mga gawa-gawang kaso, may clergywoman din ng simbahan ang ginigipit ng gobyerno ni Duterte.

Nung ginunita ang 50 years ng martial law nitong Sept. 21, 2022, sa isang memorial service, nanawagan si Bishop Ciriaco Francisco ng hustisya para kay Pastora Glofie Baluntong ng United Methodist Church.

Sa report ng UM News, si Glofie ay kinasuhan ng attempted murder nung 2021 na sinundan ng isa pang kaso noong August 5, 2021 na paglabag umano sa Anti-Terror Law.

Noon pang 2019 mainit ang gobyerno sa social justice ministry ni Glofie sa Mangyans ng Mindoro.

Paninindigan ng Philippine Central Conference Board of Church and Society at ng mga nakasaksi, nagsasagawa si Glofie ng funeral services sa kapwa church member nung oras na may tinangkang patayin na ibinibintang sa kanya.

Nanawagan ang mga kababaihang pastora sa Pilipinas na bitiwan ang mga kaso at palayain si Pastora Glofie na nasa Bilibid prison pa rin.

Sa gitna naman ng pandemic Pebrero ngayong taon, dinakip sa kanilang bahay sa San Juan si Dra. Natividad Castro sa mga kasong kidnapping at illegal detention.

Community doctor si Naty at secretary general ng Karapatan sa Caraga sa Mindanao at member daw ng CPP NPA NDF paratang ng National Task Force to End Local Communist and Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Sa resolution noong March 25, sinabi ng Bayugan City Regional Trial Court sa Agusan Del Sur, walang ebidensyang nagtuturo kay Doc Naty na may kagagawan ng krimen.

Ibig sabihin, imbento ang mga akusasyon.

Dahil walang probable cause, nawalan na rin ng jurisdiction ang korte sa kaso kaya ito dinismiss.

Bago nangyari yan kay Doc Naty, tinimbog naman noong March 15, 2020 ang isa pang babaeng rights defender na si Teresita Naul, kasisimula lang ng pandemic sa Pilipinas na may 633 suspected infections noong March 1.

Sa Lanao Del Sur inaresto si Nay Tessie ng magkasanib pwersang pulisya at army, sa gawa-gawang kasong kidnapping, destructive arson at serious illegal detention. Member daw siya ng NPA.

Sa ulat ng Civicus.org, may mga ebidensya na nasa ibang lugar siya nung araw na yun na nangyari ang mga krimen.

Sa imbestigasyon ng CHR noong Dec. 28, 2020, si Nay Tessie “was wrongfully red-tagged, at lumala ang kanyang kalusugan habang nasa preso na overcrowded at dugyot na nagpalala ng kanyang asthma at bronchitis.

Ayon sa Union of People’s Lawyers in Mindanao (UPLM), sinabi ng korte na hindi sapat ang mga affidavit at pinaniwala ang korte na gumawa siya ng mga krimen.

Binatikos din ng korte ang prosecution sa mahigit isang taon nitong re-investigation dahil kalabisan ito masyado.

October 28, 2021, pagtapos ng 19 buwang pagdurusa sa krimeng hindi niya ginawa, pinalaya ng korte si Nay Tessie.

Nito namang September 16, 2022, sinentensyahan ng 10-17 years life imprisonment ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branch 266 ang organizer ng mga magsasaka sa Laguna na si Dionisio Almonte.

Active member si Dionisio ng Peasant Alliance of Laguna mula pa noong 1980s.

Hinuli siya noong January 2014 sa kasong murder at frustrated murder. 

Sa inilabas na balita ng Kodao.org, bago ibinaba ang desisyon, walong taon na siyang nagdurusa sa kulungan. Nagka-TB siya at ngayon ay may diabetes at hypertension.

Kinondena ng grupong KAPATID support group ang conviction dahil ayon sa spokesperson na si Fides Lim, gawa-gawa ang mga kaso laban kay Almonte.

Ang media sector ay bugbog rin sa red tagging, mga kaso, pag-aresto at maging pagpatay.

Ang Manila Today editor na si Lady Ann “Icy” Salem, ay ni-raid ang bahay sa Mandaluyong at inaresto sa panahon din ng pandemic at higit sa lahat, Human Rights Day – Dec. 10, 2020.

Ayon sa International Association of Women in Radio and Television kung saan communication officer si Icy, kinasuhan siya ng illegal possession of firearms and explosives.

Sabi ng Public Interest Law Center (PILC) na tumulong sa kanya, dineklarang null and void ng korte ang kaso laban kay Icy nung Feb. 5, 2021 at ang ebidensya ay “inadmissible.” Ang mga ebidensya kasi ay planted din kaya dismissed ang kaso at laya si Icy.

Pero sa Tacloban, Leyte, may kasamahan sa media na may parehong kaso ni Icy, ang nakakulong pa rin hanggang ngayon.

Si Frenchie Mae Cumpio, editor ng Eastern Vista online news, ay February 7, 2020 pa nakakulong sa trumped-charges pa rin.

Mismong ang international media watchdog na Reporters Without Borders na ang nanawagan na idismiss ang kaso at palayain si Frenchie. 

Kung meron mang tumampok sa hostage-taking kay De Lima sa PNP Custodial Center sa Camp Crame nitong Sunday, October 9, 2022, hindi yung mismong pangho-hostage o kahinaan ng sistema sa kulungan.

Ang lumantad na katotohanan sa buwis-buhay na insidente sa mismong bakuran ng PNP ay walang iba kundi ang panggigipit at pagpapatahimik ng estado sa mga kritiko at kumakalaban dito.

Ang hostage-taking kasi tulad ng kahinaan sa sistema ng pamamahala sa mga detenido ay mga hamon na hinaharap ng sinumang bilanggo na nagkasala sa batas at napatawan ng parusa.

Maski sa first 100 days ni Marcos Jr., nadokumento ng National Union of.Journalists of the Philippines ang pagpatay sa dalawang mamamahayag: 

Sina Percy Lapid, matapang na host ng Lapid Fire ng DWBL 1242 na inassassinate nito lang October 3 at nauna riyan, si Rey Blanco, radio broadcaster na pinatay sa saksak sa Mabinay, Negros Oriental noon lang Sept. 18.

Meron ding apat na media men na dinemanda ng cyber libel, isang libel; may sinurveillance at ginipit, at may isa, si Rose Novenario, Hataw reporter ang hindi pinayagang mag-cover sa Malacańan.

Tulad ni Former Senator Leila De Lima, ang lider katutubo na si Windel Bolinget, social justice worker at Pastora Glofie Baluntong, community doctor Natividad Castro, rights defender Teresita Naul, farmer organizer Dionisio Almonte, at journalists, Lady Ann Salem at Frenchie Mae Cumpio, wala silang nilabag na mga batas at hindi dapat nagdurusa sa kulungan o nasasalang sa matitinding peligro.

Mahaba pa ang listahan ng mga ni-red tag, inaresto, ikinulong at kalaunan ay pinalaya dahil sa gawa-gawang kaso.

Pattern sa Pilipinas na trabaho ng estado na yariin ang mamamayan at media na pumapalag sa mga katiwalian, nakikipaglaban para sa karapatang pantao at tumutulong sa mga mahihirap.

Sila ay tinatakot, nire-red tag, ginigipit tapos ay kakasuhan ng kung ano-ano, dadakpin at ikinukulong sa mga krimeng hindi sila ang maysala.

Mapapansin ang mga kaso ay nangyari at ang mga biktima ay ikinulong sa mga taong 2008 hanggang 2022.

Sinuman ang nasa panguluhan, Gloria Arroyo man, o Noynoy Aquino o Rodrigo Duterte, Marcos Jr., ang kani-kanilang mga pamamahala ay may record na pinatatahimik ang mga kritikal at kumikilos para mga api at pinagsasamantalahan. 

Topnotcher sina Gloria Arroyo at Digong Duterte sa post-martial law violations.

Pero walang naparusahan sa mga direktang sangkot sa mga pag-atakeng ito sa mga karapatang pantao. O kahit man lang maparusahan sa pagsasagawa ng trumped-up charges.

Dapat mahinto na ito, agad-agad.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]