Impunity

BINIBIRA ng Malacañang ang International Criminal Court.

Ngunit kung pakasusuriin natin, gusto lamang panatilihin ng Malacañang ang baluti ng impunity na pumuprotekta kina Duterte sa paggawa umano ng mga krimen laban sa sangkatauhan nang ligtas sa anumang uri ng pananagutan at kaparusahan.

Ito’y mapakriminal, sibil, o administratibo man.

Binibilog ang ating ulo ng mga loro’t alipores ng Malacañang sa pamamagitan ng matatamis na salita:

“Soberanya”; “usaping panloob”; “Nagsasagawa tayo ng imbestigasyon”; “Gumagana ang hustisya sa bansa”; “Di dapat makialam ang mga banyaga”; “Bayan natin ito, kaya tayong mga Pilipino – di dayuhan – ang magpapasiya at makapangyayari sa sarili nating bansa,” atbp.

Kinukulapulan nila ng putik ang matayog at marangal na layunin ng Rome Statute of the International Criminal Court na niratipika mismo ng Pilipinas:

Buwagin ang moog ng impunity.

Impunity ang tawag ng sibilisadong daigdig sa kawalang-kaparusahan at kawalang-pananagutan ng mga makapangyarihan na sistematiko at organisadong pumapatay ng libo-libong mga Pilipino o ng sinumang nasa Pilipinas, alinsunod sa utos at state policy umano ni Duterte na nagdeklara ng kontra-mamamayang “drug war” kuno.

Impunity.

Ito, bayan, ating alalahanin, ang ipinapangako’t palagiang bukambibig ni Duterte – makaraan siyang mahalal na pangulo noong 2016 – sa sinumang pulis, sundalo, o sibilyang pumapatay ng mga umano’y adik o kriminal.

Bibigyan pa niya, aniya, sila ng pera bilang premyo: libo-libo kung umano’y pangkaraniwang pusher lang at milyon-milyon naman kung big-time drug lord.

Protektado niya.

Maparusahan man ng korte, ipa-pardon niya.

Di lingid sa bayan ang mga ipinahayag na ito ni Duterte, nang may kasama pang pagmumura.

Sinaluduhan siya.

Pinalakpakan.

Bumaha ng dugo.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]