MALUNGKOT ang mga kapanalig ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go sa kanyang desisyon na umatras na sa karera sa panguluhan sa 2022 sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan o PDDS, kung saan si Pangulong Rodrigo Duterte ay tumatakbo bilang senador.
Ngunit sa kabila ng kalungkutan ay nagbukas ito ng pinto sa iba pang kandidato sa pagkapangulo dahil umaasa pa rin sila na may makukuha sila sa pag-atras ni Senador Go, o ng endorsement galing kay Pangulong Duterte.
Habang sinusulat ang artikulong ito, hindi pa rin nakakapunta si Bong Go sa Comelec upang pormal na mag-file ng kanyang withdrawal form.
Ang pag atras ni Go ay ilang linggo lang ang pagitan matapos siyang umatras sa pagtakbo bilang ikalawang pangulo at itulak ni Pangulong Duterte bilang kandidato sa pagkapresidente.
Sa kanyang pahayag, inamin ni Go na kaya siya umatras ay ayaw niyang maipit sa gitna si Pangulong Duterte na itinuturing niya higit pa sa isang ama. Habang papainit ang kampanya inamin niya na ang kanyang puso at isip ay hindi handa sa kampanya, at dahil salungat din ang desisyon ng kanyang pamilya na siya ay sumabak sa karera sa pampanguluhan.
“Ayaw rin talaga ng aking pamilya kaya naisip ko na siguro ay hindi ko pa panahon sa ngayon. Diyos lang ang nakakaalam kung kailan ang tamang panahon,” saad ni Go sa isang interview sa harap ng mga mamamahayag sa San Juan City.
“Ayaw ko ring maipit si Pangulong Duterte higit pa sa tatay ang pagmamahal ko sa kanya–matanda na po siya at marami na rin siyang naibigay para sa bayan, ayaw ko na pong dagdagan pa ang kanyang problema. Nananatili akong tapat sa kanya at nangako akong sasamahan ko po siya habambuhay,” dagdag pa ni Go.
“Talagang nagre-resist ang aking katawan, puso, at isipan. Tao lang po ako na nasasaktan at napapagod Sa ngayon, yun ang mga rason ko. That is why I am withdrawing from the race… I am willing to make the supreme sacrifice for the good of our country and for the sake of unity among our supporters.”
Ano na ang mangyayari sa PDP-Laban na lumalabas na isang “headless chicken” dahil wala na silang opisyal na kandidato bukod sana kay Senador Manny Pacquiao na nag file ng kanyang kandidatura sa pagkapangulo sa ilalim ng ibang partido, ang Cebu-based PROMDI?
Tinanggihan din kasi ni Davao City Mayor Sara Duterte ang alok na mag VP sa PDP-Laban at sa halip ay sumama sa isang koalisyon na pinangungunahan ni Bongbong Marcos at nag file ng kanyang kandidatura bilang bise president sa ilalim ng Lakas-CMD.
Ayon sa ilang analysts, ang pag-atras ni Go ay senyales sa mga kaalyado ni Pangulong Duterte na umalagwa na sa PDP-Laban ay sumama sa tambalang BBM-Sara habang ang ilang analyst naman ay umaasa na kay Mayor Isko, VP Leni at Senador Pacman pupunta ang ilan.
Ngunit sa ating paghihimay ng mga alyansa na ito, karamihan sa kanila ay nagbabalak na sumama na sa tambalang Bongbong at Sara habang umiinit na ang kampanya. Sa ngayon kasi, sa tambalang BBM-Sara umiikot ang diskusyon ng ilang mambabatas habang karamihan sa mga senatorial aspirant ay nakapila na at nagnanais na makasama sa senatorial line-up ng dalawa.
Hihimayin natin ang ating nalaman sa mga kakilala sa loob at labas ng alyansang ito:
May usap-usapan sa mga kongresista na dadalhin at iendorso nila si Sara bilang kandidato, karamihan ay suportado naman si Bongbong Marcos habang ang iilan ay maglilipat bakod at susuporta sa ibang kandidato, iyan ay habang wala pang endorsement galing kay Presidente Duterte.
Lalakas pa ba lalo ang tambalang BBM-Sara kahit walang endorsement ni Pangulong Duterte? ‘Yan ang isang malaking katanungan na pilit nating aalamin dahil sa ngayon kasi ay nagko consolidate na sila ng pwersa, una, sa mga dati na nilang kaalyado, at ikalawa, sa mga supporter ni Pangulong Duterte. Lumalabas kasi sa mga usapan sa tambayan at mga survey na hindi maka take –off ang kandidatura ni Bong Go na hindi man lamang umangat kahit na sa double-digit (meaning; 10 percent pataas).
Kung ang base ng mga supporter ni Bong Go ay maliit lamang, kung pagbabatayan ang huling survey, hindi rin kalakihan ang makukuha ng ilang kandidato
Ang opinyon naman ni Lito Banayo, ang campaign manager ni Manila Mayor Isko Moreno, ang pag-atras ni Go ay “opening” sa iba pang kandidato na makakuha ng suporta sa mga kaalyado ni Go.
Batid kasi ni Isko, maging si senador Manny Pacquiao na maari pa rin silang makaambon ng suporta sa nalalagas nang PDP-Laban o nang endorsement mismo galing sa Pangulo.
Sabi pa ni Pacquiao na open siya sa posibleng endorsement ng Pangulo; “Kung ie-endorso ako, walang problema. Pagkakaisa naman ang isinusulong natin kasi biblical naman yan eh. ‘[If] a kingdom is divided against themselves, that kingdom cannot stand. If a house is divided, that house cannot stand,'” saad pa ni Pacquiao.
Sa ngayon kasi ang tambalan ni BBM at Sara ang lumalabas na malakas dahil na rin sa suporta na nakuha nito sa ilang partido kundi pati na rin sa endorsement nila dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Joseph Estrada, lalo na ang mga supporter ni Pangulong Duterte na obvious naman na dala si Mayor Sara.
Hindi pa rin natin alam kung ano ang huling baraha ni Pangulong Duterte. At kung isasama mo ang disqualification ni BBM sa Comelec maglalaro sa baga si Pangulong Duterte kung bibigyan niya ng puwang ang diskwalipikasyon ni BBM dahil lumalabas na sa mga kandidato, tanging si BBM lamang lumalabas na tunay niyang kapanalig at maaaring makapagsalba sa kanya sa mga patung-patong na kaso kabilang na ang kontrobersyal na “war on drugs”.
Sa kaso naman ni VP Leni Robredo, nanganganib ang suporta na pwede niyang makuha sa mga supporter ng Makabayan bloc matapos niyang ilaglag ang mga ito matapos ang kanyang pakikipagpulong sa mga heneral ng AFP. Natakot ba si VP Leni matapos kumalat ang balita na hindi siya susuportahan ng karamihan sa mga opisyal ng AFP kapag tinangkilik niya ang suporta ng makakaliwang grupo at hindi niya babawiin ang dati niyang posisyon laban sa NTF-ELCAC at Anti-Terrorism Law na nakabinbin ngayon sa Supreme Court.
Bukod sa suportang natatanggap niya sa ilang mga opisyal ng Simbahang Katolika at ilang malalaking negosyante, ang tingin ko ay malaking kabawasan sa kanyang tindig ang pag etsapwera sa Makabayan na may baseng humigit kumulang na tatlo hanggang limang milyong supporter, kung ikukumpara sa Magdalo ni Senador Antonio Trillanes IV, 1sambayan at grupo ng social democrats na nakaangkla sa ilang Catholic schools.
Ang sabi nga ng mga estudyante at practicing social scientists; ang politics ay isang addition subalit sa kaso ni VP Leni tila nagbabawas siya ng bilang ng suporta. Matatandaan kasi na karamihan sa boto niya noong tumakbo siyang bise president noong 2016 ay nakuha niya sa suporta ng Makabayan bloc.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]