WALANG ibang dapat pasalamatan kundi si Senador Imee Marcos sa kung bakit patuloy na tumataas ang bilang ng mga sumusuporta ngayon kay presidential candidate Vice President Leni Robredo.
Ang maruming mga atakeng pinakakawalan ni Imee sa social media ay hindi tumatalab at sa halip lalu lamang lumalakas at tumitibay ang suporta ng taongbayan sa kandidatura ni Leni.
Nakapagtatakang biglang nagbago ang taktika ni Imee. Kung dati ay anyong maamong tupa na hindi pumapatol sa ipinupukol ng kanyang mga kaaway, ngayon naman ay parang isang mabangis at naglalaway na hyena na handang lumapa ng kanyang mga kalaban.
Mali ang ginagawa ni Imee! Ang kanyang pakikipagbardagulan ay lumilikha ng maraming kaaway at pati ang kandidatura ng kanyang nakababatang kapatid na si Bongbong ay naaapektuhan.
Lumalabas tuloy na kakampi ni Imee ni Leni. Sa ginagawang pakikipag-away ng senador, marami ang nagagalit at imbes na si Bongbong ang kanilang tulungan, marami ang bumabaliktad at pumupunta kay Leni para kanilang suportahan.
Hindi na natuto si Imee. Ang mahabang karanasan at pamamaraan sa pulitika ay kanyang nakalimutan at hindi naaalala na mas epektibo kung ang isang tao ay inaapi at pinagtutulungan dahil sa huli ito ang mananalo sa laban. FPJ formula, noh!
Sa ngayon, tuwang-tuwa ang kampo ni Leni sa ginagawang mga banat ni Imee dahil kahit na papaano nababawasan at gumagaan ang trabaho ng mga organizers ng Kakampink at madali nilang nakukumbinsi ang mga botante para sa kanilang kandidato.
Itigil na rin sana ni Imee ang kanyang pagmamayabang o pagmamataas lalu na sa kanyang mga interviews at presscon na parang sinasabing panalo na si Bongbong kahit hindi pa naman tapos ang eleksiyon.
Sabi nga ni Imee, “sasabihin ko ang totoo, ang dami-dami yatang nag-o-audition na maging Cabinet member. Yan ang aking nakikita madami talaga. Dati, ayaw talaga sa gobyerno. Ngayon magvo-volunteer. Yan ang nakakatuwa.”
Sana makita at gayahin ni Imee ang ginagawa ni Bongbong na sa kabila ng walang tigil na batikos ng kanyang mga kalaban, hindi niya ito pinapatulan at nagpapabugbog lang dahil alam niyang siya ang papanigan na taongbayan.
Hindi natin alam kung ano ang nangyari kay Imee at hindi rin natin alam kung sinong henyo ang nagbigay ng advice sa kanya para umastang siga o maton at makipag-away ngayong panahon ng eleksiyon.
Sabi nga, sige Lenlen pa more!
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]