Ilang reporter biktima rin ng sariling kumpanya

MAGKAHALONG inis at galit ang naramdaman ko nang minsan kong makakwentuhan ang ilang kaibigang reporter sa radyo at tabloid.

Pareho silang contractual employee o hindi regular sa trabaho bagama’t ilang taon na silang naglilingkod sa kani-kanilang mga kumpanya.

Sinabi sa akin ng hindi ko na papangalanang radio reporter na ang entry level salary sa kanila ng bagong pasok na reporter at P12,000.

Yung taga tabloid naman ay nagsabing P13,000 ang sa kanila.

Kung susumahin ninyo ito ay higit na mas mababa sa minimum wage para sa mga empleyado dito sa Metro Manila na tumatanggap ng araw sahod na P537.

Yung dalawang reporter na nakakwentuhan ko ay nagsabi na anim na araw kada linggo ang kanilang pasok at madalas ay higit pa sa otso-oras ang kanilang duty.

Nabubwisit ako dahil kung makabira ang ilang media organization sa mga tolongges na employer na mababa magpasweldo ay ganun na lang.

Hindi nila alam nasa kanilang bakuran mismo ay umiiral pa rin ang ganitong kawalang-hiyaan.

Kaya dumadami ang “kalabit-penge” o corrupt sa hanay ng media ay dahil sa kakarampot na sweldo ng ilan.

Ang akala ng publiko ay porke’t nagta-trabaho sa isang media firm ay okay ang sweldo.

Aba hindi po, dahil may ilan pa ring media owners ang swapang sa kita.

Hindi ko sinasabi na ito lang ang dahilan kung bakit maraming corrupt na mediamen meron rin naman yung mga ipinanganak na kakambal na talaga ang pagiging walang-hiya.

Nakakababa ng dignidad ang ganitong gawain ng ilang mapag-samantalang media owners hindi lamang sa propesyon ng pamamahayag kundi sa pagkatao mismo ng ilang empleyado.

Ang gagaling pa naman ninyong magsulong ng kapakanan ng publiko kuno pero kayo pala ang tunay na ganid na nagtatago sa likod ng isang pader na kung tawagin ay media.

Mas bilib pa rin ako sa mga media organization na pinatatakbo ng mga nanggaling sa media industry mismo hindi tulad ng mga “COO” o child of owner na minana lang ang pamamamahala o negosyo mula sa kanilang mga magulang.

Marami sa kakilala kong COO sa media ay walang alam sa tunay na sitwasyon ng kanilang mga empleyado dahil sa kawalan ng tinatawag na empathy.

Ilang lang talaga sa kanila ang bumaba sa hanay ng kanilang mga empleyado at may regular na komunikasyon sa mga ito.

Karamihan sa kanila ay astang prinsipe o prinsesa na dapat ay laging pinaglilingkuran ng kanilang mga alipin sagigilid.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]