Maraming naging instant entrepreneur o negosyante ayon sa dikta ng pangangailangan ngayong pandemya.
Maganda ngunit malungkot din ang nangyayari. Dahil marami ang nawalan ng trabaho mula nang nagsimula ang lockdowns, maraming Pinoy ang nakaisip paano kumita ng pera. “Para sa ekonomiya,” ika nga ng mga millennial.
Puhunan ang abilidad, malikhaing pag-iisip, mga koneksyon at kaibigan na inaalok ng panindang pagkain, halaman o garden supplies kahit loam soil para sa mga plantito at plantita. Di mo akalaing nabebenta ang lupang nasa plastic. Noong unang panahon kasabihan ang “di kayang bumili ng lupa, yung nasa paso lang ang kaya!”
Ngayon ay maging masipag ka lang at malikhain, makaka-survive na sa pandemya.
Kakarampot man ang kinikita sa ganitong mga instant negosyo, mabuti na ito kesa ubusin ang maghapon sa tsismisan o walang kabuluhang gawain.
Higit na mainam na mag-isip paano kikita ng pera pantustos sa pang araw-araw na pangangailangan.
Sa ganitong sitwasyon tumitingkad ang bayanihan, o pagtutulungan. Mutual coexistence ika nga. Bibili ka ng produkto sa kaibigang alam mong nangangailangan. Minsan, bibili ka kahit di mo naman talaga kailangan. Nasa isip mo lang na makatulong sa nagbebenta.
Maganda rin ang nausong online selling dahil idedeliver na ang pagkain o bagay na inorder mo. Iwas-hawa sa Covid kung lalabas ka pa, tipid pa sa gasolina o pamasahe.
Tunay na kahanga-hanga ang pagiging malikhain ng mga Pilipino lalo na sa usapin ng survival; sa pangkabuhayan.
Sila ang dapat suportahan dahil pagod at utak ang ginagamit upang mabuhay; hindi ang pagsasamantala sa kapwa o pagungurakot sa kaban ng bayan.