MERON pa ba ngayong subject na GMRC o Good Manners and Right Conduct?
Tila di na uso o naririnig, pero dati, ito’y itinuturo sa mga pampublikong paaralan. Sa pribado nama’y Christian Living o kahalintulad
na subject.
Napapanahong ibalik ang GMRC sa mga eskwelahan. Kailangang maitama ang mga nakalakhang ugali ngayon.
Marami na ang bastos, di marunong gumalang sa kapwa lalo na sa nakatatanda. Ikakatwiran pang “hindi na uso,” old fashioned o digital age na kaya obsolete na ang makalumang tradisyong pagiging magalang sa kilos at pananalita!
Dagdagan pa ng mga naririnig na pagmumura sa telebisyon sa mga teleserye o maging sa pormal na ulat sa bayan ng nasa kapangyarihan.
Iisipin ng mga bata na yun ay tama! Maling halimbawa na nagbabaluktot sa tamang asal.
Kaya naiugnay ko sa GMRC ang “daang matuwid,” na bukambibig sa panahon ng yumaong Pangulong PNoy.
Hindi na kailangang maging dilawan, pulahan, o ano pang kulay ng political spectrum ang isang tao. Nasa tamang linya lamang; yung kumilos o magsalita ayon sa kagandahang asal. Ikanga, pagtahak sa “daang matuwid,” upang di maligaw ng landas.
Subaybayan ang mga anak, itama ang kilos at kaisipan para sa matagumpay na kinabukasan.