How do you handle a Sara Duterte?

NITONG Wednesday ay naglabas ng sulat si Davao Mayor Sara Duterte.

Ang laman ng sulat ay medyo mainit at masakit sa mata kung kasama ka sa binabanggit doon.

Pero simple lang naman ang sinabi ng Mayor ng Davao.

Sa tatay niyang si Duterte sinabi niya na aminin na kung tatakbo kasi in private ay sinabi na rin naman sa kanya. At tigilan na ang paggamit kay Sara sa palikway-likway na desisyon niya.

Sa PDP-Laban, simple rin ang message ng Mayora, hindi siya miyembro ng partido kaya hindi siya dapat nadadamay sa tinawag niyang sitcom ng political party.

Hindi mo naman masisi si Pangulong Duterte na pagtuunan ng pansin ang babaeng anak, dahil sa lahat ng survey ay nangunguna itong pambato sa pagka-presidente.

Kung ako man yun, ay gugustuhin ko na anak ko ang sumunod sa aking yapak. Wag na tayo maglokohan.

Kahit sino riyan sa mga magagaling at maiingay na politiko dyan, kung lalabas na baka manalo ang anak nila sa pagkapangulo kasunod nila, baka mas bulgar pa ang maging aksiyon nila.

Pero naiinis dito si Sara dahil ang arrive sa kanya ay minamadali siya sa desisyon. Suportahan sila Go-Duterte o magdeklara na at kuning vice presidential runningmate si Bong Go.

Ang mas nakakapikon para kay Sara, yung mga pasaring nila Koko Pimentel at alipores nito na smokescreen lang daw ang Go-Duterte at kay Sara pa rin ito sa huli.

Tama si Sara. Kung humulma ang PDP-Laban ng lider na maaaring pumalit kay Duterte pagdating ng 2022, hindi sana sila parang hilong talilong na naghahanap ng irereto sa Mayo sa susunod na taon.

Kasi, tipikal sa mga ugali nila, hinintay pa nila ang ora de peligro bago maglagak ng standard bearer. Walang forward planning or succession plan, ika nga.

At nang pinalulutang na ang pangalan ni Sara, napipikon sila dahil maganda nga naman ang tsansa nung ale, pero minaliit nila.

Matindi ang bakbakan para sa standard bearer ng administrasyon dahil dito nakasalalay ang kinabukasan nila bilang politiko.

Bukod sa kailangang hindi makabalik ang mga disente sa poder dahil siguradong yari silang lahat, importante sa PDP-Laban na galing sa kanila ang susunod na pangulo.

Nakakahiya nga naman na isang local political party ang magdadala ng kandidato sa Malakanyang. Ubos ang kapangyarihan ng PDP-Laban pag nagkataon.

Pero ang problema, malakas si Sara. At hindi tulad noong nakaraang panahon na may oras para gibain ang Mayor ng Davao, marunong na rin itong maglaro ng timing.

Hanggang ngayon ay walang nakakaalam kung ano ang magiging desisyon ng anak ni Digong. Kaya hindi siya matutukan ng kanyon ng paninira.

Kasi, sayang lang ang bala at pera kung biglang wala naman pala.

Playbook ba ni Digong noong 2015? Yan ang sabi nila. Pero kung alam na nila ang playbook, bakit wala pa rin silang magawa para barahin ang popularidad ni Sara.

I guess ang pinakamalaking factor kasi sa lahat ng ito ay ang katagang “unpredictability.” Hindi nila alam ang gagawin ng target nila kaya nagmamaktol na lang sila.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]