PANAHON na para ibalik ang pagtuturo ng ating kasaysayan sa high school.
Hindi sapat ang dalawang taon sa elementarya para ituro ang makulay at masalimuot na kasaysayan ng Pilipinas, mula sa ating mga ninuno hanggang sa kasalukuyang panahon.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Junior kay incoming Department of Education Secretary na si Senator Sonny Angara na ibalik ang History subjects sa mga mag-aaral.
Binigyang diin ni Marcos Junior ang kahalagahan na matutunan ng mga batang mag-aaral ang kasaysayan ng ating bansa dahil “that is what will make a child understand what it means to be a Filipino.”
May tama ang Pangulo dito.
Paano mamahalin ng mga bagong henerasyon ng kabataan ang ating bansa kung hindi nila alam ang masalimuot na pinagdaanan ng ating mga bayani para lang maging malaya tayo.
Hindi pa tapos ang laban para maging ganap na malaya ang ating bansa sa mga mapanupil na mga dayuhan, simula noong 1521 nang nadiskubre ni Ferdinand Magellan ang Pilipinas, hanggang ngayon na pilit na inaagaw ng Tsina ang ating karagatan.
Ibig sabihin nito ay maglilimbag ng bagong edition ang DepEd ng History books at ibig sabihin nito ay maraming impormasyon ang dapat ay kasama sa mga librong ito.
May tanong lang ako. Gaano kalawak ang impormasyon na isasama sa History books hinggil sa madugong panahon ng Martial Law na pinamunuan ng diktador na Ferdinand Edralin Marcos, Senior, ang ama ng kasalukuyang pangulo.
Isasama rin ba rito kung paano winaldas ng dating Unang Ginang Imelda R. Marcos ang kaban ng bayan? Maraming edidensiya ng kanyang “shopping spree” na nakalap ng Presidential Commission on Good Government.
Malaking bahagi ng ating kasaysayan ang Martial Law.
Ang agam-agam ko lang ay baka magkaroon ng historical revisionism pagdating sa panahon ng pamumuno ni Marcos, Senior, dahil isa ito sa pinakamadilim na yugto ng kasaysayan ng ating bansa.
Kailangang maging mapanuri tayo sa mga ililimbag na bagong History books, baka makalusot ang maling impormasyon.
Natatandaan ko pa noong nasa elementarya ako, dekada ‘70 pa. Ang laman ng aming libro sa Araling Panlipunan ay kung gaano kagaling si Marcos, Senior at ang Unang Ginang Imelda Marcos dahil sa mga proyektong ipinatayo nilang istraktura gaya ng mga ospital, mga world-class venue complex, na para bang personal nilang pera ang ginastos.
Napansin ko sa murang edad na panay papuri sa mag-asawang Marcos ang laman ng mga libro.
Sana ay hindi na ito maulit at ang tunay na pangyayari ang ilimbag.
At sana ay hindi ito harangin ni Pangulong Marcos, Junior.
Malaking hamon ito kay incoming DepEd Secretary Angara.
Dahil kung gusto niya na talagang matuto ng proper history lessons ang mga kabataan, wala dapat tatanggalin, walang ibabawas, at pawang mga katotohanan lamang.
Naniniwala ako na kapag naituro ang tamang kasaysayan ng ating bansa at kung paano tayo lumaban at lumalaban sa mga mapanupil na dayuhan, magigising ang pagiging makabayan ng mga kabataan.