Hindi takeover ang sagot sa mga naluluging electric coops

HINDI sagot ang “step-in right” ng Department of Energy under Executive Order 156 na pinirmahan ilang araw pa lamang ang nakakaraan sa mga hamong hinaharap ngayon ng mahigit sa 100 na electric cooperatives sa bansa.

Bilang kalihim pangkalahatan ng isang consumer organization, thumbs down ang sagot ko sa kautusang iyan. It is another EPIRA in the making; ang ganda ng wordings ng batas, pero sablay sa implementasyon.

Sa ilalim ng EO156 na inisyu ni Pangulong Duterte noong Disyembre 9 na naiparating sa media noong Disyembre 11, layunin ng kautusan na makamit ang elektripikasyon ng buong bansa sa 2022. Isa sa matingkad na probisyon ng EO ay ang pagbibigay-kapangyarihan na mag step-in at mag takeover ang Office of the President (OP) sa mga problemadong kooperatiba ng kuryente. Ang kautusang ito ay nag-aalis sa naunang mandato sa ilalim ng National Electrification Administration o NEA. Inatasan ng OP ang DOE na alamin at ipa -audit ang mga electric coops na mahihina.

Ayon pa sa kautusan, nakakasagabal ang mga underperforming electric cooperatives sa isinasagawang elektripikasyon sa mga kanayunan.

Ang ganda ng mga letra ng kautusan, kabilang na ang introduksyon ng mga bagong teknolohiya sa pagpapailaw sa liblib na mga komunidad, maging ang integrasyon ng makabagong microgrids at alternative service providers. Welcome din umano ang qualified third parties.

Wow na wow di ba? Lalo na ang usapin ng alternative service providers at qualified third parties na para bang malinis at walang pinapaboran ang batas. Pero huwag ka, dahil alam na alam ko ang katotohanan sa likod niyan.

Nagpapatuloy sa ngayon ang swiss challenge sa biddings. Oo, sa kabila ng Competitive Selection Process (CSP) decision ng Korte Suprema noong 2017, dahil na rin sa kagagawan ng organisadong mafia sa naturang industriya. May bidding ng power supply agreements na nagaganap in compliance kuno sa batas, pero in truth ay may “anointed bidders” na, na lo and behold, ay kasapakat ng malalaking distritibution utilities (DUs) at gencos.

So here’s the catch: Makakagaan kaya in the long run, sa mga electric consumers na siniserbisyuhan ng electric cooperatives ang panibagong kautusang ito? Kung ililipat sa pamamahala ng graft-ridden government agencies na siyang kukuha ng pribadong managers ng ECs, sino ang makikinabang? Hindi kaya mga bagong service providers o franchisees na kayang mag alok ng suhol upang makakuha ng power supply contract?

Samantalang sa ilalim ng superbisyon ng National Electrification Admininstration, ang mga electric coops ay pag-aari mismo ng mga miyembro nito.

Ang problema sa ECs ay misplaced na mga polisiya na ipinatutupad ng General Manager at Board of Directors nito. Nakakalungkot na ang mga namumuno sa mga ECs ay tiwali kadalasan at may sariling agenda. Hindi kataka-taka dahil namaniobra ang kanilang pagkakaluklok sa puwesto: madalas ay sanhi ito ng pakikialam ng mga LGUs at pulitiko na siyang may impluwensiyang maglagay ng mga opisyales ng electric cooperatives.

Totoong maraming naghihingalong electric cooperatives. Lubog sa utang, mahina ang serbisyo, tadtad ng reklamo ng consumer-members. Sa Malasiqui, Pangasinan na lang na may 73 barangays, gigil sa serbisyo ng CENPELCO ang mga tao, na kanila ng tinatawag na “CENPULTOT”; “Pultot” in the vernacular na ang ibig sabihin ay laging napuputol.

Maraming utang sa kanilang pinagkukunan ng suplay ang mga ECs. Sa katunayan, noong Setyembre ng nakaraang taon ay umabot sa 364. 5 milyon ang naipautang ng NEA sa may siyam na electric coops para lang maisaayos ang kanilang capital expenditures, modular gensets at pondo sa pagsasaayos ng mga makina at poste.

Ang maganda sa ECs, mas may inisyatiba sila sa panahon ng kalamidad at pandemya. Sa katunayan, nanguna ang ECs sa pag-unawa sa kanilang mga kliyente noong kasagsagan ng pandemya. May mga ECs na nanlibre ng isa hanggang 3 buwan na bill sa kuryente. Take note: libre at hindi deferred installment na gaya ng giant utility na Meralco.

Predictable ang pagsasabatas ng EO 156. As early as November, di ko maiwasang mapaisip kung ano ang mas malalim na dahilan kung bakit panay ang atake ng pangulo sa ilang energy players ng particular na mga probinsiya ng Palawan at Iloilo.

Totoo na maraming isyu sa koneksyon ng kuryente sa naturang mga lugar, ngunit hindi maaaring isisi sa distribution lamang ang problemang ito. Ang power supply chain kasi ay kinabibilangan din ng generation and supply, transmission at maging ng regulatory at government support. May mga pagkakataong dahil din sa inefficiency ng burukrasya at regulatory agencies kung kaya nagkakaproblema ang mga ECs na siyang nasa sangay ng distribution .

Imbes na tanggalan ng mandato ang NEA, mas dapat maisip ng gobyerno na sa karanasan, ang mga pribadong franchise holders ay mas profit-oriented kung kaya kapag sila ang namahala sa mga ECs, malaking posibilidad na ang presyo ng kuryente sa kanayunan ay tiyak na aakyat sa darating na mga taon.

Step up dapat ng subsidy at suporta sa NEA at electric cooperatives ang siyang ipatupad at hindi pag-agaw ng mandato para paboran ang ilang pribadong korporasyon at kaibigan sa pulitika.

Walang higit na magmamalasakit sa consumers kundi sila mismo na miyembro ng electric cooperatives. Kailangan lamang ng malawakang paglilinis sa pamunuan ng mga electric cooperatives sa bansa.

Magsisimula yan sa mga local government units.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]