SA loob ng nakaraang 98 taon, kinakitaan na ng kakulangan o kahinaan ang sistema ng edukasyon sa bansa. Kaya mayroong tinawag na Bridge Program, isang uri ng maikling kurso, karaniwang umaabot ng isang taon, bilang paghahanda at suporta sa mga mag-aaral na papasok sa hayskul.
Hindi na maikakaila kung ganun na hindi sapat ang anim na taon sa elementarya upang maging kuwalipikado sa sekondaryang edukasyon.
Noong 2012, inilunsad ang K to 12 program. Sakop ang kindergarten, anim na taon sa elementarya, apat na taon sa junior high school at karagdagang dalawang taon sa senior high school upang ihanda ang mag-aaral sa tertiary (kolehiyo) education at mga kasanayan na preparasyon sa empleyo o pagnenegosyo.
Sa kabila ng mga reporma, malayo pa rin sa hinahangad na kalidad ang edukasyon sa Pinas.
Kamakailan, inilunsad naman ang Matatag Curriculum.
Ibinidang “decongested K-12” ang naturang programa o agenda. Target din umano ng bagong kurikulum o silabus ang isyu ng kakayanan na agarang makakuha ng trabaho ang mga nagsisipagtapos sa hayskul, matapos matanggap umano ng DepEd ang ulat na nahihirapang makakuha ng trabaho ang mga gradweyt ng senior high school sa bansa dahil sa kakulangan ng kasanayan at kahandaan sa trabaho.
Inaasahang matutugunan ang isyu sa pamamagitan ng partnership ng DepEd at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na handang itugma ang isyu ng skills training sa SHS program ng DepEd.
Layunin ng Matatag Curriculum na resolbahin ang mga hamon sa edukasyon.
Ayon sa DepEd Secretary Sara Duterte, ang MA ay nangangahulugang gawing makabuluhan aktibo at responsableng makakapagprodyus ng trabaho para sa graduates; TA- o paggawa ng paraan upang mabilis ang paghahatid basic education services at facilities; TA- o nanmgangahulugan ng pangangalaga at promosyon ng kagalingan ng mga mag-aaral sa ilalim ng positibong learning environment.”
Sa suma total, mas malakas na edukasyon para sa bansa ( a stronger education for the nation).
Anong bago?
Ang bago dito ay mas malaking badyet sa edukasyon. Ginawa lang ba ang programa para makahindi ng dagdag na badyet? Wala namang masama dito dahil dapat nga talagang iprayoridad ang edukasyon. Matatandaang tumaggap ng dagdag na mula P633.3 bilyong badyet ang kagawaran noong 2022 at umakyat sa P710.6 bilyon taong kasalukuyan.
Nangangahulugan ba ito na magkakakaroon ng mas maayos na mga serbisyo at pasilidad sa edukasyon, o mas mataas na standard na pagkatuto?
I doubt.
Kung nakikita o kakulangan sa teoritikal na balangkas ng kasalukuyang edukasyon, mas marapat sigurong unahin ang reoryentasyon at re-edukasyon ng mga guro upang matiyak ang kalidad ng mga estudyanteng kanilang ipo-prodyus.
Bakit hindi buhusan ng badyet ang training at pagpapataas ng skills ng mga guro? Bago ang pagtutuon ng pansin sa mga klase ng mag-aaral na nagsisipagtapos, dapat marahil na ugatin ang problema. At ito ay nagsisimula sa kalidad ng mga gurong nagtuturo.
Hindi lang basta pumasa sa LET o Licensure Examination for Teachers ay kuwalipikado nang magbahagi ng kanyang mga natutunan sa pag-aaral bilang guro. Mahalagang sangkap pa rin ang training dahil mas maa-upgrade at mas mapapalalim nito ang kaalaman lalo na ng isang neophyte na guro.
At dahil moderno na ang teknolohiya maging sa pagtuturo, importante lalo ang tuloy -tuloy na training sa teknolohiya upang mapabilis ang gawain ng mga titser. Dumadaing ang maraming guro na nahihirapan sila na makipagsabayan sa mas batang mga guro dahil nasasagkaan sila ng di sapat na kaalaman sa teknolohiya.
Hindi lang batayang akademiko ang dapat mahasa sa pagtuturo. Bilang tagapagpadaloy ng mga pananaw at batayang kaalaman, dapat isali sa pagtuturo ang makabayang konsepto ng edukasyon. Turuan din ang mga titser ng critical thinking, decision-making, pagiging malikhain at inobatibo, at kakayanang lumutas ng mga suliraning panlipunan.
Hindi lang simple o ordinaryong propesyon ang pagtuturo.
Tagahubog sila ng utak.
Sa kanila natututo ang mag-aaral kung magiging mabuting mamamayan na masunurin sa batas subalit may sarili ring disposisyon kung kelangang pumalag sa maling alituntunin.
Maganda man ang intensyon ng bagong programa ng DepEd, nakukulangan ako kung hindi kasali dito ang paghasa sa kamalayang makabayan: mapanuri, nagdedesisyon sa sarili, kasali sa pangkatang gawain, lumulubog sa isyu ng lipunan, nagngangarap para sa kaunlaran ng bayan.