HINDI dapat umasa pa sina Senator Bong Go, Francis “Tol” Tolentino at Bato dela Rosa na muling maluluklok sa Senado dahil tiyak na hindi sila palulusutin ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos sa darating na 2025 midterm elections.
Mahalaga ang eleksyon sa 2025 para sa kasalukuyang gobyerno at gugustuhin ni PBBM na kontrolado nila ang Senado at hindi makapambulabog ang oposisyon lalu na ang grupo ni dating Pangulong Digong.
Panic mode kung sisiliping mabuti ang tatlong matapat na alagad ni Digong at makikita si Bato na laging papansin at pakontrobersiyal sa taongbayan dahil alam niyang tagilid ang kanyang kandidatura sa susunod na halalan.
Si Go naman, bukod sa nagkalat na Malasakit Center, nitong December, mukhang pinalibutan na rin ng senador ang buong Pilipinas ng sandamukal na tarpaulin na merong Christmas greetings.
At ang nakalulungkot ay si Tol, dahil wala na sa kanyang kamay ang makapangyarihang Senate blue ribbon committee nang magbitiw nitong Disyembre. Sayang at magagamit pa naman niya ang nasabing komite sa kanyang propaganda at ngayon magtitiyaga na lamang siya sa mga radio interview at mababaw na mga press release.
Mabigat din ang makakalabang kandidato ng tatlong senador dahil bukod kina Senator Pia Cayetano at Imee Marcos, ang pagbabalik ng mga matitikas na senador ay lumulutang na rin tulad nina Ping Lacson, Tito Sotto, Manny Pacquiao pati na sina Leni Robredo at Isko Moreno.
Hindi rin barometro ng panalo ang pagpasok nina Go, Tol at Bato sa ‘Magic 12’ sa isinasagawang mga senatorial survey dahil sa sinasabing kwestyunable at walang kredebilidad na mga kompanyang nagsasagawa nito.
Dapat ilagay sa kokote ng tatlong mambabatas na si PBBM ang kasalukuyang pangulo ng Pilipinas at malaking bagay sa isang pulitiko na kaalyado ang kasalukuyang gobyerno dahil sa malawak nitong makinarya, organisasyon, impluwensya at pagkakaroon ng limpak-limpak na pera.
At kung meron pang tinatawag na ‘Duterte magic’ at tumakbong senador si Digong at manalo, sana lang ay ‘makasakay’ sina Go, Tol at Bato sa lilikhaing propaganda nito at manalo rin sa eleksyon.
Pero ang sabi nga, si PBBM ang kasalukuyang nasa kapangyarihan at huwag magtataka kung ang kanyang babasbasan na mga kandidato sa senatorial race ang mananalo sa 2025 midterm polls.