HINDI biro ang predicted magnitude sakaling tumama ang “the big one” sa ating bansa. Maaari itong umabot ng hanggang 8.2 magnitude. Malakas po ito. Mapaninsala.
Malaking tulong ang isinasagawang earthquake drill para alam natin ano ang gagawin sakaling lumindol. May muscle memory na tayo kung ano ang gagawin sakaling lumindol.
Pero sa totoong buhay, alam natin na hindi lahat nasusunod ito. Dahil mas mauuna ang pag-panic ng mga tao lalo na kung malakas ang pag-uga.
Araw-araw ay may nangyayaring pag-galaw sa ilalim ng lupa sa buong mundo. Hindi lang natin ramdam ang iba dahil mahina ito.
Paano nga ba tayo magiging handa sa ano mang kalamidad na dumating, lindol man yan o bagyo, o ‘di kaya ay sunog.
Maghanda ng “go bag.”
Ano ang ilalagay sa ating “go bag?”
Ibabahagi ko sa inyo ano ang laman ng aming “go bag.”
Una sa aking listahan ay ang paglagay ng pagkaing hindi agad-agad napapanis gaya ng delata na mga easy-to-open tab, instant noodles, isang kilong bigas, instant coffee, at mga instant cereal drink. Huwag kalimutan ang tubig.
Mahalagang may flashlight at baterya. Kung may budget, maaring bumili ng ilang piraso ng glow-in-the-dark stick light.
At dahil hindi natin alam ang extent ng damage ng isang kalamidad, isama na rin sa “go bag” ang photocopy ng mga mahahalagang dokumento gaya ng birth certificates, marriage certificate, titulo ng lupa, mga identification card, kopya ng insurance policy o mga investment policy.
Ilagay ang lahat ng ito sa isang water proof na lalagyan o kahit na sa ziplock bag at palibutan ito ng duct tape para hindi pasukin ng tubig.
Isa sa mga praktikal na bagay na dapat kasama sa “go bag” natin ay ang duct tape, multi-purpose tool kit, lighter o posporo na nakalagay sa water proof na lalagyan. Maglagay na rin ng isang malaking kandila. Nagsama na rin ako ng maliit na crowbar, baka sakaling kailanganin.
Sinama ko rin ang dating baunan ng aking mga anak na stainless tin. Maaari itong gamiting pampa-init ng tubig o pangluto ng kanin.
May nilagay din akong maninipis na damit at mga maliit na sabon, shampoo, tootpaste at extra na toothbrush. Kasama na rin ang napkin at pantyliners.
May contingency plan na rin kaming pamilya sakaling hiwa-hiwalay kami kapag naganap ang sakuna. Maghihintayan kami sa meet-up point sa itinakda namin lugar sakaling mawalan ng komunikasyon.
Baka isipin niyo na mukhang OA na ang ginawa kong paghahanda, subali’t para sa akin ay tama lang ito. Walang OA pagdating sa kaligtasan ng ating pamilya.
Medyo mabigat ang aming “go bag.” Ngunit sigurado naman ako na makakampante ang aking isipan na handa ang aking pamilya sakaling maganap nga ang “the big one.”
Hindi OA ang maging laging handa.