MARAMING Pilipino ang naniniwala na magiging maganda ang pasok ng 2024.
Magandang pananaw ito, lalo na at positibo ang dating.
Taun-taon naman ay ganito ang nasa isip ng bawat isa sa atin. Ngunit sa isinagawang survey ng Social Weather Station (SWS), lumabas na 96 porsyento ng tinanong ay may “high hopes.”
Ang resulta bang ito ay dahil mas malaya na tayong nakakakilos kahit pa may mga nai-infect pa ng Covid19 at may banta pa ng ibang sakit gaya ng walking pneumonia?
Ibang-iba na kasi ang sitwasyon natin ngayon, ‘di gaya noong 2020 na limitado ang ating mga kilos dahil sa lockdown. Marami ang nawalan ng trabaho, maraming negosyo ang nagsara.
Naging masigla ang mga tao sa kalagitnaan ng 2023 nang maging maluwag na ang pagkilos natin.
Ngunit, ano nga ba ang dapat natin gawin ngayon 2024 para umangat ang ating mga buhay?
Unahin nating sagutin ang tanong na ANO.
Alamin mo ano ang gusto mong ma-achieve. Kung marami kang nais gawin, isulat mo ang mga ito at lagyan mo ng numero kung ano ang priority mo. Ano?
Pangalwang tanong na dapat sagutin ay ang tanong na BAKIT.
Bakit ito ang mga pinili mong goals. Bakit yan ang una sa listahan mo. Bakit?
Isulat mo rin ang mga sagot mo rito. Maging totoo sa mga sagot, yung simple lang at huwag na yung malalalim na hangarin.
Ang pangatlong tanong ay PAANO.
Paano mo ito sisimulan. Kaya mo ba itong mapanindigan. Paano?
Madaling gawin ang lahat ng ito. Pero aminin natin na mahirap gawin. Lalo na kung ang una sa listahan mo ay ang makaipon ngunit salat naman sa pera.
Lahat naman ay pwedeng magawa, dahil naniniwala ako na kung gusto ay magagawan ng paraan, nguni’t kung ayaw ay maraming maaring maging dahilan.
Determinasyon. Sipag. Tiyaga. Baka ito na ang sinasabing “secrets to success” mo. ‘Ika nga ay huwag sukuan ang pagbagsak. Gawin itong hamon para sa muling pagbangon. Hindi porke’t nadapa, sa maliit na sugat ay susuko ka na.
At syempre, higit sa lahat, iwaksi ang negatibong pag-iisip. Kapag positibo ang pananaw, mas malamang na positibong enerhiya ang darating. Laban lang. Kaya mo ‘yan.