SA kauna-unahang pagkakataon, isang Pinoy journalist na biktima ng online harassment ang nagdemanda laban sa Meta/ Facebook.
Si Leonardo Vicente “Cong” Corrales ay madalas tirahin at pagbintangang komunista. Sa dami ng mga insidente ng paninira kay Cong, pinaniniwalaang siya ang most red-tagged journalist sa Mindanao.
Editor-in-Chief si Cong ng Gold Star Daily sa Cagayan de Oro, aktibong miyembro at naging director ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).
Nagsampa ng kaso si Cong sa National Privacy Commission laban sa Meta/Facebook dahil nilabag umano ng social media giant ang karapatan niyang malaman kung sino ang nasa likod ng fake FB names at accounts na nagre-red tag sa kanya.
Hanggang nitong January 2023, merong 87,400,000 Facebook users o 75.7 percent ng population ng Pilipinas, pinakamarami sa lahat ng social media platforms sa buong bansa.
Imagine na siraan ka sa FB ng mga tao o grupong duwag na nagtatago sa iba-ibang pangalan.
Binabanatan ka ng mga hindi kilalang kaaway kaya hindi mo alam saan mo patatamaan ang mga bigwas mo.
Pero hindi habambuhay ang panggigipit at nakatago ang identity ng mga kriminal sa online.
Ang mga insidente ng socmed at iba pang harassments laban kay Cong ay dokumentado sa NUJP.
Bukod sa FB, maski ang militar at pulisya ay nire-red tag din si Cong.
May pagkakataon na humingi pa nga ng dialogue ang NUJP kasama si Cong sa mga otoridad para igiit na mali at paglabag sa mga karapatan ni Cong ang harassment at red-tagging.
Dun sa FB harassments, sumulat si Cong sa Meta at hiningi ang mga pangalan o account ng mga nagre-red tag sa kanya para panagutin sila sa batas.
Sa Section 16(c) ng Data Privacy Act of 2012 o Republic Act 10173, may karapatan ang data subject sa “reasonable access, upon demand, of the names and addresses of the recipients of (his) personal information.
Sagot ng Meta kay Cong, kailangan dumaan sa “legal processes” ang request ni Cong para maibigay sa kanya ang hinihinging FB account details.
Malabo yan.
Meron na kasing naunang kaparehong kaso, BGM vs IPP (NPC 19-653).
Ang desisyon dyan ng National Privacy Commission, hindi kailangan ng court order para mabigyan ng right to access lalo na kung ang hinihinging impormasyon ay kailangan para matukoy ang perpetrator ng online abuses at matiyak ang legal claims ng taong naagrabyado.
Sa press release, sinabi ng isa sa lawyer ni Cong na si Atty. Tony La Viña na ang kasong ito ay para panagutin ang social media platforms na pinapayagan ang mga FB accounts na mag-red tag at manggipit ng mga tao o grupong tinatarget.
Sa karanasan ni La Viña, marami na siyang kliyente na ni-red tag ang walang magawa dahil hindi nila makilala ang mga suspect na nagtatago sa likod ng fake Facebook accounts.
Paniwala ni lead counsel Rico Domingo, makikinabang sa kasong ito ni Cong vs Meta ang maraming journalist na biktima ng online harassments at red-tagging.
SI Domingo at La Viña ay kasamang founders at lead convenors ng Movement Against Disinformation (MAD
Nung isang linggo lang, ni-red tag ng dalawang hosts ng SMNI na pag-aari ni Apollo Quiboloy na wanted sa US sa kasong sex trafficking ang Philstar.com.
Hindi pa nagkasya, sa statement ng NUJP, pati si Jonathan de Santos, news section head ng Philstar.com at chair ng NUJP na aktibo sa communist rebellion nung kanyang kabataan.
Ni-red tag din nila sina dating Philippine Daily Inquirer reporter Nestor Burgos, ibang leader ng NUJP, Rappler, mga aktibista at NGOs.
Ang basehan nila: inireport daw ng Philstar.com ang pagkumpirma ng Communist Party of the Philippines na namatay ang kanilang mga pinuno na sina Benito at Wilma Tiamzon at ang deportation at pag-aresto sa isa pang communist leader na si Eric Casilao.
Ano ang problema ng dalawang hosts na ito?
Normal na ibalita ang mga ganyang pangyayari dahil news outlet ka. Tama naman ang NUJP na kung ang linya nilang yun ang susundan, lalabas na lahat ng nagbalita tungkol sa isyu ay komunista o may link sa mga komunista.
Sinabi pa ng babaeng host na dapat ang lahat ng kaalyado ng CPP-NPA-NDF ay dapat patayin dahil wala naman silang pinag-iba.
Delikado yan. Inilalagay niya sa kapahamakan ang mga kapatid sa industriya at kung may sira-ulong galit sa media na kritikal o aktibista ay abangan at pagbabarilin na lang.
Nakikiisa tayo sa panawagan ng NUJP na imbestigahan at parusahan ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP ang dalawang hosts kanilang istasyon.
Walang puwang sa tunay na pagbabalita ang mga mali-mali at walang basehang paninira sa kapuwa media at paglalagay sa panganib ang kanilang mga buhay.
Umaasa naman si Cong na maraming kapuwa media na hinaharass, ang matututo at mahihikayat na bweltahan at kasuhan ang mga may pakana ng online harassments at red tagging.
Maski ang netizens at iba pang indibidwal o grupo na ginigipit online ay pwedeng idemand sa Meta/Facebook ang tunay na identities ng mga fake accounts para panagutin sa batas.