BANGGAAN sa pagitan ng mga pasista at diktadurang bloke – sa isang banda – at ng mga puwersang demokratiko, maka-kalikasan, at makakarapatang pantao – sa kabilang panig – ang hamon ng panahong darating.
Sa iba’t ibang panig ng mundo, pinagtitibay ng makapangyarihan ang kanilang poder sa pulitika.
Para magpayaman.
Dahil sa pagkaganid sa pribiliheyo at kapangyarihan.
Press freedom
Midya ang pangunahing dinudurog ng nasa kapangyarihan.
Mata, tainga, pandama, panlasa, at pang-amoy ng sambayanan ang mga alagad at practitioner ng mass media. Sila ang nagsasaliksik, nagtatala, nagsisiwalat, at nagpapabatid sa bayan ng mga pang-aabuso, katiwalian, at kabulukan ng gobyerno.
Binabaklas din ng pamahalaan ang civil society organizations – human rights organizations, anti-corruption watchdogs, at environmental groups.
Kinakasangkapan ng makapangyarihan ang batas at korte upang wasakin ang mga tinig ng demokrasya.
Panakot
Ginagawang multong panakot ng gobyerno ang umano’y banta ng komunista, terorismo, at panganib sa pambansang seguridad.
Ito’y upang alisan tayong mga mamamayan ng ating mga karapatan at kalayaan.
Upang ipawalang-saysay ang kahulugan ng pambayang demokrasya.
Upang baluktutin ang kahulugan ng demokrasya at rule of law; at palabasing rule of law at demokrasya (raw) ang pagpapalakas ng paghahari ng mga tuso at kontra-demokratikong pinuno ng gobyerno.
Demokratikong karapatan
Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pagdurog sa karapatan sa malayang pananalita at pamamahayag. Kasama nilang binubuwag ang karapatan sa malayang samahan at pagtitipon.
Ang tatlong karapatan at kalayaang ito – right to freedom of association, speech, and assembly (ASA) – ang haligi ng demokrasya.
Demokrasya sa pakahulugang nasa ating mga kamay, Bayan – di ng iilang elitista, pulitiko, at pamilyang dynasty – ang lakas at kapangyarihan.
Lakas at kapangyarihang bayan na ating sandata at instrumento sa pangangalaga, pagsusulong, at pagtatanggol ng ating pangkalahatang kagalingan at katarungang panlipunan.
Pambayang demokrasya
Ano ang ating pambayang bisyon at pakahulugan sa demokrasya?
Pagkakaroon ng sapat na ikabubuhay; makatarungan at disenteng sahod; ligtas at makataong kondisyon sa trabaho.
Malinis na tubig; masustansyang pagkain.
Pangangalaga’t serbisyong pangkalusugan, lalo na sa mahihirap at mga naninirahan sa malalayong lupalop.
Paghahanda at pangangalaga sa seguridad, kaligtasan, at buhay ng mga namimiligro at sinasalanta ng mga kalamidad, tulad ng bagyong Odette, lalo ngayong hinahagupit tayo ng pandaigdigang climate crisis.
Patas na pagpapatupad ng batas.
Lantaran at bukas-sa-publikong paggugol sa salaping bayan.
Malinis, tapat, at malayang eleksyon.
Paglahok sa bawat yugto ng pamamahala at pagpapatakbo ng gobyerno sa iba’t ibang porma at anyo.
Karapatan at kalayaang punahin at panagutin ang gobyerno.
Tugon
Sa pambansang antas, ang pagbibigkis at pagsasamang-lakas ng mga demokratikong puwersa mula sa hanay ng mga tapat na naglilingkod sa gobyerno, aktibista, tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang pantao, at sambayanan ang hinihingi ng ating panahon.
Sa pandaigdigang larangan, higit lalo nating kinakailangan ang pakikipag-ugnayan at pakikipag-kapit-bisig sa United Nations human rights bodies, independent experts, at international human rights organizations.
Kailangang manaig ang kagalingan at katarungang pambayan laban sa mga makasarili, gahaman, at malulupit na pulitiko at kanilang galamay.
Mapanghamon ang darating na panahon.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]