MAINIT na naman ang usapin sa bigas nitong mga nakaraang araw kaya binubuhay sa Kongreso ang “half-cup rice” bill.
Ang layunin sana ng panukalang batas ay para mabawasan ang wastage o pag-aaksaya sa kanin sa mga restaurant, canteen, hotel, inn, at mga kagayang establishments.
Ang panukalang batas ay nais na buhayin ng mga opisyal ng Philippine Rice Research Institute upang mabawasan ang pag-aaksaya sa pangunahing staple ng mga Pinoy, na madalas ay di nauubos, lalo na sa mga restaurant na hindi nagsisilbi ng half cup rice.
Sa panukalang batas, may kaakibat na penalty ang mga establisimyento na lalabag sakaling maging ganap na batas ang House Bill (HB) 9536, na ipinanukala ni dating Department of Health Secretary at ngayon ay Iloilo 1st District Rep. Janet Garin.
Ito ay unang pinanukala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Junior, noong senador siya sa 16th Congress.
Napapanahon na bang isabatas ito?
Sa aking point of view, napapanahon na nga.
Ang tanong ko sa inyo, kapag ba kumakain kayo sa mga eat-all-you-can, nauubos niyo ba mga kinuha niyong pagkain? Madalas, may naiiwan, ulam man ‘yan o kanin.
At kahit na sa mga restaurant, pag nag-order tayo ng pagkain, hindi natin minsan nauubos ang ating mga in-order. Mas iuuwi natin ang natirang ulam at iniiwan ang konting kanin na ‘di naubos.
Sayang ang kanin pag ‘di naubos at hindi na i-take out pa kasi konti lang naman na natira.
Guilty din po ako dito. Kaya ngayon, tuwing kakain kami ng aking pamilya sa restaurant ay oorder lang ng sapat.
Ayon sa PhilRice ng Department of Agriculture, dalawang kutsara ng kanin ang nasasayang araw-araw ng bawat Pilipino. Kapag pinagsama-sama natin ito ay umaabot sa bilyong halaga ang naaaksayang kanin sa isang taon.
Sa mga fast food chain, napansin ko na sapat para sa isang tao ang isang order ng kanin. Subali’t kung gutom ka at oorder ka ng extra rice, magdadalawang isip ka dahil aabot sa P25 ang extra rice. Napakamahal. Mas mahal pa sa pangakong P20 per kilo ng bigas na mukhang napako na.
Tanging ang mga kababayan nating nasa laylayan ang hindi nag-aaksaya ng kahit na isang butil ng bigas. Silang mga salat sa pambili ng masustansiyang pagkain ang higit na apektado sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga blihin, lalo na ng bigas.
Kaya’t sa kanilang hapag-kainan, alam natin na hindi masasayang ang pagkain, lalo na ang kanin. Kulang man sa ulam, ang mahalaga ay may bigas na maisasaing.
Maganda ang layunin ng panukalang batas. Pero, sana ilagay sa batas na ilaan ang porsyento ng penalty na makakalap bilang tulong sa ating mga kababayang salat na salat sa buhay, kesa makulimbat pa ito.
Ang bigas ay buhay. Kada butil ay galing sa pagod at pawis ng ating mga magsasaka.
Kung kaya rin lang naman nating ubusin hanggang sa huling butil, gawin natin. Mag-order ng sapat at pwede namang mag-extra rice sakaling kulang.