Gutom kay Marcos Jr.

NAKAAALARMA ang pagdami pa ng mga nagugutom nitong nagdaang tatlong buwan.

Ngayong 2023, meron nang mahigit 28,618,870 pamilyang Pilipino na may apat na miyembro bawat isa.

Sa kwenta ng Social Weather Stations, 10.4 percent nyan o 2, 976, 362.48 families ang sumalang sa gutom,  sa survey na ginawa nitong Hunyo.

Mas dumami yan kumpara sa 9.8 percent ng mga pamilyang Pinoy na nakaranas ng gutom noong Marso.

Pinakamaraming kumalam ang sikmura sa Metro Manila na may 15.7 percent dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Anong nangyari sa 2023  budget na tinawag na Agenda for Prosperity: Economic Transformation Towards Inclusivity and Sustainability?

Nasaan ang prosperity? 

Bakit dumami ang nagutom?

Ang solusyon dyan ng Marcos Jr administration para sa 2024 –  P1.4B budget para sa 2024 foreign travel niya. 

Ngayong taon, pinamigay niya  ang P100M malinis na buwanang kita ng Malampaya sa cronies nyang sina Enrique Razon at Dennis Uy na wala namang technical expertise sa oil exploration, drilling at development.

Nagbigay pa rin ng P150 million confidential fund para sa DepEd ni Sara Duterte para sa 2023 kahit nagviral sa mga batikos.

At bago mag-SONA, madaliang binuo ang Maharlika Investment Fund.

May agarang solusyon naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na P3,000 bawat beneficiary family kada buwan sa programang “Walang Gutom 2023 Food Stamp Program”.

Ipamimigay yan sa pinakamahihirap na “food-poor” families” sa loob ng tatlo hanggang apat na taon.

Tinarget yang simulan last July 18 mula sa funding ng Asian Development Bank, Japan International Cooperation Agency at French Development Agency.

Pero dole-out yan, o band-aid solution.

Ito’y kahit inoobliga ng DSWD ang beneficiaries na  dumalo sa “capacity building at development training” para makapaghanap ng trabaho. Skills training ba yan?

Sa huli kasi, tested at effective pa rin na paunlarin at buhusan ng pondo ang food o agricultural production na isang pang-matagalang solusyon.

Ang problema, nabawasan pa ang pinagsamang pondo ng agriculture at agrarian reform mula P184.1 billion ay magiging P181.4 billion na lang sa proposed 2024 budget.

Pinagsama ang pondo ng dalawang departments para magmukhang lumaki.

So ano ang food security riyan?

Kaya ‘wag nang magtaka kung mas dumami pa ang magugutom ngayong taon.

Palusot ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang totoo raw, ang budget this year ay higit 30 percent ng budget nung 2022. Tama naman.

Pero hirit niya, ang 2023 ay base year ng budget para sa 2024.  

Mataas daw ang base year budget at madadagdagan pa nga raw yan ng 6 percent sa 2024.

Ano yun?

Ang 2023 budget na P184.1 billion na magiging P181.4 billion na lang sa proposed 2024 budget ay nadagdagan pa? 

Ganun nga ba yun? One minus one equals two?

Ngayon lang ako nakaalam ng ganyang pangangatuwiran at arithmetic sa budgetary comparison,  e malinaw namang nabawasan ang budget in terms of actual amount.

Pakipaliwanag please baka mali ang datos ko o mali ang intindi ko. 

Pampalito.

Panloloko.