SA katatapos na Earth Day celebration kamakalawa, umalingawngaw ang musikang makabuluhan at panatang ipagtatanggol ang Inang Kalikasan mula sa panganib at kabuktutan ng gawang-taong imprastruktura, pagmimina at quarrying.
Nasa 12 grupo ng musikero ang nakibahagi ng kanilang mga original na komposisyon at sariling rendition ng musikang naglalarawan sa mga isyung pangkalikasan, sosyo-ekonomikal at panlipuan sa katatapos na “Musikalikasan/Earth Jam 2023.” Kinabibilangan ito ng Indio, Manny Torres, Lion and the Scouts, Matikman, Kaibigang Puno, Calle Manu, Bong Dailo, Pepito and the Band/The Replacements, Aniya Kalinaw, Tagot at Atok Pagano.
Kasama ang madla na nanood at nakibahagi sa makabuluhang pagtitipon na ito sa Marikina Riverpark, namanata ang bawat isa na isasabuhay ang mga nasimulan at hakbangin sa pagsulong ng karapatang pangkalikasan.
Bahagi ng kanilang panata na simula sa sarili at sa tahanan, tungo sa komunidad, bayan hanggang pandaigdigan, itataguyod ang pagpapalaganap ng kamulatan sa iba, uusigin at papanagutin ang mga mapang-abusong uri, magsisilbing boses sa Inang Bulubundukin ng Sierra Madre sa pagsusulong, pagsasaayos, depensa at proteksiyon. Titindig at lalaban para sa karapatan ng mamamayan sa kanilang kagubatan, kabundukan, ilog at mayamang lupain. Titindig at lalaban para sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Dahil ang musika ay mahalagang kasangkapan para sa pagpukaw ng kamulatan sa kapaligiran at panlipunang pagbabago, isinulong ng Integrated Rural Development (IRDF) at convenor ng Arise Sierra Madre Movement ang pagkulturang pagtatanghal na ito, na kinabilangan din ng film showing tungkol sa kasalukayang sitwasyon ng bundok Sierra Madre na dumaraan sa malawak na pagkawasak dahil sa pagbutas ng mga bahagi nito upang bigyang-daan ang konstruksyon ng Kaliwa Dam at kaugnay na mga istruktura.
Kaakibat ng clearing operations para sa pagtatayo ng Kaliwa Dam ay ang nakakabahalang pagnipis ng forest cover na umaabot na sa sampung porsiyentong pagkakalbo, ayon sa mga siyentista ng University of the Philippines.
Kaya kung nararanasan mo rin ang nakakainit-ulong init ng panahon, malamang ay may kaugnayan ito sa nasisirang kagubatan. Ang huling depensa natin mula sa dagok ng climate change, ang Sierra Madre ay hindi lamang winawasak; inaalipusta rin ang mga taong nananirahan sa mga paanan nito. Sapilitang inaalok ng salapi kapalit ng kanilang tenurial rights. Tinatakot at hina-harass upang boluntaryong lisanin ang lupaing kinagisnan.
Sa nakalipas na mga taon na sinalanta tayo ng malalakas na bagyo, magiting na sinalag ng bundok Sierra Madre ang delubyo na nagligtas sa maraming buhay. Kung sisirain ang Sierra Madre sa ngalan ng kaunlaran, aanhin ang inaasam na paglago kung wala na ring taong makikinabang?
Ang Musikalikasan ay isa sa mga istratehiya upang mapalapad pa ang kampanya laban sa destruksiyon ng kalikasan. Bahagi ito ng pagpatuloy ang mga planong naikasa noong ginanap ang Multistakeholders Conference for the Protection and Management of Sierra Madre noong Marso 10 kung saan nagtipon ang may dalawampung organisasyon upang mag aral, mag-analisa at magbuo ng istratehiya para tuloy-tuloy na umaksyon laban sa deforestation ng naturang kabundukan.
Bilang end-goal, tinatangka ng IRDF at Arise Sierra Madre Movement na maging realidad ang pangarap na reforestation ng isang milyong puno kada taon, sa pakikipagtulungan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Wake-up call of sorts ang Musikalikasan.
Sa Marikina, kung saan ginanap ang naturang event, mayroong mga nanood na taga roon ang buong pusong niyakap ang ginagawang malasakit ng movement dahil sa karanasan nila sa pagbaha kapag may panahon ng bagyo. Marubdob ang hangarin nilang makibahagi sa programang rehabilitasyon ng mga bundok dahil alam nilang ang kamatayan ng bundok ay kamatayan din nila. Nating lahat.
Abnormal na ang init ng panahon. Senyales ng abnormalidad sa temperature ng mundo.
Wala nang sapat na panahon para magsawalang-kibo, para maging “cool lang.”
Magsuri. Magtanong. Makibahagi.
Hindi na kaaya-ayang tirhan ang ating mundo. Patutsada nga ng mang-aawit na si Bong Dailo: “Umiinit ang paligid, gusto mo yan? Hindi ka ba nag-iisip na ang paligid ay sumisikip, gusto mo yan? Kilos kaibigan, sino ang makikinabang?
Tayo ‘yan!