SA December 2023, matatapos na ang special treatment na ibinibigay ng European Union sa imported products mula sa ilang maliliit at mahihirap na bansa.
Ang tawag nila riyan ay Generalized Scheme of Preferences (GSP).
Malalim siguro ang dating ng GSP pero tagos ito sa sikmura at mga prinsipyo natin para mabuhay ng disente ang mamamayan.
Sa GSP kasi, discounted ang import taxes o kaya tax-free ang ilang imported goods bilang incentive sa piling bansa na nagsu-supply ng mga produkto na kailangan ng EU-member countries.
Ibig sabihin, murang makapapasok sa EU ang imported products mula sa GSP countries.
Pag mura o walang buwis ang imported na produkto na papasok sa EU, malaking ginhawa ito sa mga kumpanya o bansang nag-eexport ng mga produkto sa EU.
Mas malaki ang kikitain ng mga kumpanya at tulong din ito sa pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas.
Dahil maraming produkto ang kailangan ng EU, mangangailangan ito ng mas maraming manggagawa sa pagawaan man o agrikultura para tuloy-tuloy na makapag-supply ang Pilipinas.
Nung first time na naging GSP + country ang Pilipinas, tinatayang 200,000 trabaho ang naibigay sa mga Pilipino sa agri at manufacturing sector karamihan ay nasa countryside.
Ang job generation at dagdag na income sa gobyerno ay nakatutulong din sa rehabilitation efforts sa mga probinsyang nasalanta ng mga bagyo.
Dahil sa GSP, dumami ng 27% ang exports ng Pilipinas sa EU.
Sadya talaga ito ng EU para makatulong sa pag-angat ng ekonomiya ng GSP countries.
Ang US din ay nagpapatupad ng GSP ss kanilang pakikipagkalakalan.
Sa kasalukuyan, Pakistan, Bolivia, Cabo Verde, Kyrgyzstan, Mongolia, Philippines, Sri Lanka at Uzbekistan lang ang mga bansang nagtatamasa ng GSP + benefits mula sa EU.
Alam nyo ba na Pilipinas ang unang ASEAN country na na nabigyan ng GSP + status?
December 18, 2014 nang opisyal na inaprubahan ng European Parliament ang request ng Pilipinas para makasama sa GSP+ recipient countries.
Ibig sabihin, mismong lehislatura o pinaka-kongreso ng buong European Union na sa ngayon ay may 28-member countries ang nag-a-aprub kung pasok ang isang bansa sa GSP list.
Pinayagang makapasok sa unang pagkakataon sa EU nang walang import taxes o tariffs ang 6, 274 Philippine products tulad ng processed fruits, coconut oil, footwear, fish at textiles.
Ito ay 66% ng kabuuang bilang ng imported Philippine products na pumapasok sa EU.
Ibig sabihin, higit anim sa bawat 10 produkto ng Pilipinas ang hindi pinapatawan ng import taxes sa EU.
Tanong, kapag hindi kasama ang Pilipinas ss GSP+ countries, maaapektuhan o may paki ba tayo?
Hindi ba magsu-survive ang ating bansa?
Dapat may pakialam ang mga Pilipino.
Oo, maaapektuhan tayo.
Pero magsa-survive pa rin ang Pilipinas kahit hindi kasama sa GSP.
Pero mas gagapang tayo sa krisis.
Ngayon ngang nakikinabang tayo sa pagiging GSP+ country, sobrang bigat ang hambalos ng 7.7% inflation, pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa nagdaang 14 na taon.
Paano na lang kung wala tayong mga benepisyong nakukuha sa malalaking bansa?
Sa GSP, nakatitipid ang Pilipinas ng P8.55 bilyon kada taon dahil exempted tayo sa import taxes sa European Union ayon sa Department of Trade and Industry hanggang nitong October, 2022.
EU ang 4th largest trading partner ng Pilipinas hanggang noong 2021.
Ayon sa DTI, mula nang maging GSP+ listed ang Pilipinas noong 2014, ang exports ng bansa na €5.3B ay lumaki sa €7.77B noong 2021.
Ang member countries nito na Germany at Netherlands ay pang-walo at pang-siyam sa top 10 countries na nag-eexport ang Pilipinas.
Hanggang noong 2020, kasama sa exports natin ang coconut oil, vacuum cleaners, preserved tunas, electro-thermic hair dressing apparatus, spectacle lenses, new pneumatic tires, preserved pineapples, fatty alcohols (industrial), parts for radio tv broadcasting and activated carbon.
Imaginin natin ang dami ng manggagawa sa manufacturing at agriculture na inaasahang nakikinabang sa GSP+ status na ito ng Pilipinas.
Pero hindi biro ang requirements para makasama sa GSP countries.
Daraan sa butas ng karayom sa sobrang dami at bigat ng requirements.
Para mag-qualify sa category na GSP + special incentives, kailangan vulnerable low at lower-middle income ang bansa at eto ang pang-golpe de gulat:
Nagpapatupad ng 27 international conventions kasama rito ang walong international laws sa labor, pito sa human rights, walo sa environmental at climate protection at apat sa good governance.
Tall order.
Nung panahon ni Duterte, binanatan niya ang pakikialam ng EU sa human rights situation ng Pilipinas. Nagbanta pa si Duterte na i-e-expel ang EU diplomats at tatapusin ang EU grants at aid programs.
Bilang ganti, nanawagan ang mga myembro ng European parliament na suspendihin ang GSP+ privileges ng Pilipinas dahil sa malaganap na extrajudicial killings at panunupil sa mga kritiko ng gobyerno.
Sa kabila nito, nagpatuloy ang GSP+ status ng Pilipinas. Bunsod na rin ng ilang pagbabago sa asal ng Philippine government sa human rights.
Ito’y nang pumayag ang ating pamahalaan na magtayo ng joint UN-Philippine program para paigtingin ang kakayahan at technical cooperation sa human rights sa bansa.
Sa pagpasok ni Marcos Jr sa Malacańan, nahaharap sa panibagong pagsubok ang European Union at Pilipinas sa pagpapanatili ng bansa GSP+ status habang mahigpit na na nakabantay ang EU sa pagbabago sa ating human rights situation.
Nitong huling linggo ng October, nagpadala ng delegasyon ang Pilipinas sa Brussels para sa inter-parliamentary meeting bilang “charm offensive” daw ng bansa para mapanatili tayo sa listahan ng GSP + countries.
At nitong October 27, nanindigan ang Pilipinas na patuloy nitong itataguyod ang international conventions sa human rights, kalayaan sa pamamahayag at ibinida na binago na nito ang mga taktika sa drug war.
Mas tumututok daw ngayon ang gobyerno sa preventive at rehabilitative anti-illegal drugs campaign at pangakong lalabanan ang climate change.
Ang lahat daw na ito ay mga indikasyon na layon ng kasalukuyang administrasyon na isabuhay ang good governance.
Kasunod nyan, mahigpit na nanawagan si Trade Secretary Alfredo Pascual sa EU Parliament Committee on International Trade na i-renew ang pagsali ng Pilipinas sa Generalized Scheme of Preferences Plus.
Pero binanatan ito ng human rights groups sa Pilipinas dahil hindi binitiwan ni Marcos Jr ang tokhang operations at nananatiili pa rin ang drug war sa Pilipinas.
Sa human rights aspect, patuloy ang red tagging, pag-iral ng Anti-Terror Law at iba pa.
Sa usapin ng press freedom, dalawang mamamahayag ang naitala ng National Union of Journalists of the Philippines na pinaslang sa ilalim ng bagong administrasyon at meron pang ibang media attacks.
Pagdating naman sa labor rights, marami ring hahabulin at patutunayan ang gobyerno ng Pilipinas tulad ng contractualization, mababang pasahod at bad working conditions.
Pero sabi ni DTI Assistant Secretary Allan Gepty, pinoproseso na ng Department of Labor and Employment ang ratification ng International Labor Organization Convention 81 tungkol sa labor inspection, ang nag-iisang labor convention na hindi pa nararatify ng Pilipinas.
Dapat maipalaganap at ipaunawa sa taumbayan ang ibig sabihin at epekto ng Generalized Scheme of Preferences o GSP na ito ng European Union at maging ng US.
Isa itong makapangyarihang sandata o paraan ng mahihirap na tao para i-pressure ang gobyerno na maglingkod ng tapat at totoo sa madlang pipol sa pamamagitan ng pag-lobby sa European Union ng mga bagay na gusto ng tao na ipatupad ng mga pamahalaang nag-aapply ng renewal sa GSP.
Pero nagagamit at nakikinabang din sa trade preferences na ito ang EU at US.
Ito’y para matiyak na ang mga bansang may duty-free incentives ay tuloy-tuloy ang supply ng kailangan nilang commodities at raw materials para matugunan din ang pangangailangan ng kanilang mamamayan at umandar din ang kanilang mga ekonomiya.
Palalawigin pa kasi ng EU ang 27 requirements o conditions na ito.
Panukala ng EU magdagdag ng international agreements: dalawa sa human rights , dalawang labor rights, isa sa governance at isa tungkol sa environment.
May mga bansa nang binawian ng trade incentives ng EU tulad ng Cambodia dahil sa human rights issues.
Kung magpe-pressure ang civil society at madlang pipol sa EU, pwedeng mangyari sa Pilipinas ang delisting sa Cambodia, o kaya ay pwedeng baguhin ng Pilipinas ang mga ipinatutupad na patakaran para umayon sa international conventions o mga kasunduan na ito.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]